Bago makuha ang financial assistance payout ng isang kwalipikadong rice retailer, dadaan muna sa tatlong proseso. Unang larawan, pagsusumite ng mga kaukulang dokumento, pangalawa (gitnang larawan) ay ebalwasyon at pangatlo (kanang larawan) ang release ng pera na nagkakahalaga ng P15,000 mula sa DSWD. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-OrMin)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isinagawang ‘Financial Assistance Payout’ para sa mga rice retailers sa buong lalawigan na ginanap sa Pamilihang Lungsod ng Calapan noong Setyembre 20.
Sinabi ni DTI-Oriental Mindoro Provincial Director Arnel E. Hutalla, CESO V na ang hakbanging ito ay bilang pagtalima sa Executive Order No. 39 na kung saan ang DTI ay may mandato na magsagawa ng araw-araw na price monitoring sa mga nagtitinda ng regular at well-milled rice sa lahat ng rice retailers sa mga pamilihang bayan kung sila ay kuwalipikado at pumasa sa isinagawang ebalwasyon ng DTI.
Sa patuloy na monitoring ng nasabing ahensiya, dapat ang halaga ng regular well-milled rice ay nasa P41.00/Kg at ang well-milled rice ay P45.00/Kg. Nasa 16 na rice retailers sa lungsod at isa mula sa bayan ng Victoria ang napabilang sa naturang payout na kung saan ang bawat isa ay tatanggap ng P15,000 mula naman sa DSWD.
Samantala, nakatakda ring tumanggap ang 17 rice retailers sa Pinamalayan, 16 sa Roxas, tatlo sa Socorro at isa sa Bongabong sa mga susunod na araw matapos pumasa sa ebalwasyon ng DTI.
Maliban sa DTI Mimaropa at DSWD Mimaropa, katuwang din sa nasabing programa ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA) Mimaropa at Bagong Pilipinas. (DPCN/PIA Mimaropa-OrMin)