No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LUPPO nagsagawa ng outreach program para sa mga PWDs

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union (PIA) – Nagbigay ang La Union Police Provincial Office (LUPPO) ng mga wheelchairs at bigas sa ginanap na 2nd Binnadang Outreach Program kasama ang La Union Vibrant Riders Federation (LUVRF) sa Camp Diego Silang dito sa lungsod nitong Setyembre 15. 


Labinlimang wheelchairs ang ibinahagi para sa mga persons with disability (PWDs) at may mga malubhang karamdaman.


Kabilang din sa mga nahandugan ang limang sibilyang inirekomenda ng LUVRF, at sampung kapamilya at sibilyang inirekomenda ng kapulisan na naaksidente.


Ang pagbibigay ng wheelchairs ay kaakibat ng proyektong “Gulong ng Suerte” ng LUPPO na may layuning mabigyan ng serbisyo ang mga may kapansanan sa probinsya. 



Nagpasalamat si PCOL Lambert Suerte, ang provincial director ng LUPPO, sa kanyang mensahe sa pangalawang LUVR Binnadang Outreach Program sa Camp Diego Silang sa lungsod ng San Fernando, La Union noong Setyembre 15.

Ayon kay Alfredo Pablo Ortega, bise alkalde ng lungsod ng San Fernando at ang nagtatag ng LUVRF, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad gaya ng outreach program ay maipapakita sa publiko na hindi lang tagapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang serbisyong hatid ng kapulisan kung hindi pati na rin bumuo ng isang mas mahusay at malusog na komunidad.


“Aim talaga natin ay makapagbigay ng kaunting assistance sa mga nangangailangan at ito na po ay na-realize natin na ‘yong tulong natin ay galing sa puso para sa mga PWDs at may mga dinaramdam na nakapagbibigay sa kanila ng mabigat na dinadala araw-araw,” ani PCOL Lambert Suerte, provincial director ng LUPPO.

Binigyang parangal si Hon. Alfredo Paolo Ortega, bise alkalde ng lungsod ng San Fernando, La Union at nagtatag ng LUVR, bilang panauhing pandangal sa pangalawang LUVR Binnadang Outreach Program.

Dagdag nito na maagang pamasko ng mga kapulisan ang mga ibinigay na tulong sa kanilang aktibidad sa mga benepisyaryo nito.


Samantala, nagpasalamat naman si Enrico Ramos, presidente ng LUVRF, sa mga bumili ng ticket para sa raffle draw ng LUVRF bilang parte ng aktibidad dahil malaking tulong ang nakolekta nilang pera para sa kanilang pederasyon at mga programa sa hinaharap gaya ng mga susunod pa nilang mga outreach program.

Ang pangalawang LUVR Binnadang Outreach Program ay idinaos sa Camp Diego Silang sa lungsod ng San Fernando, La Union kung saan namahagi ng wheelchairs at bigas sa mga PWDs noong Setyembre 15.

Tiniyak naman ng LUPPO na magkakaroon muli ang kapulisan kasama ang ibang ahensiya ng outreach program para mas marami pang matulungan na mga taong may kapansanan at malubhang karamdaman. (JCR/AMB/SGR/PIA La Union) 

About the Author

Kathlene Joyce Ramones

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch