ROMBLON, Romblon (PIA) -- Nasa 23 rice retailers mula sa mga bayan ng Odiongan, Magdiwang, at Romblon ang nabigyan ng ayuda ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD)-Romblon noong nakaraang Miyerkules, Setyembre 20.
Ito ay ayuda sa kanila ng gobyerno matapos nilang ibaba ang presyo ng kanilang mga bigas alinsunod sa Executive Order 39 ni Pangulong Bongbong Marcos na ipinatupad noong Setyembre 5.
Nakatanggap ang mga rice retailer ng P15,000 na ayuda bawat isa.
Ayon sa DSWD-Romblon, first batch pa lamang umano ito at posibleng masundan pa kung may mga matutukoy pa ang ahensya at ang Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon na sumunod sa ipinatutupad na price cap ng gobyerno.
Sa panayam ng PIA Romblon kay DTI Mimaropa Regional Director Rodolfo Mariposque, nasa 136 na ang na-monitor nilang rice retailers sa probinsya na aktibong nagbebenta ng mga bigas. Karamihan din umano sa mga ito ay mga special rice lamang ang ibinebenta kaya hindi nakasunod sa ibinababang executive order ng Pangulo. (EE/PJF/PIA Mimaropa-Romblon)