No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

RACU-Cor, nagpaalala ng responsableng paggamit ng social media

BAGUIO CITY (PIA) -- Pinaalalahanan ng Regional Anti-Cybercrime Unit-Cordillera (RACU-Cor) ang publiko na maging responsable sa paggamit ng teknolohiya at ng iba't ibang social media platforms.
 
Kasunod ito ng ilang report na natanggap ng kanilang opisina ukol sa pagpapakalat ng hubad na larawan o video ng pakikipagtalik na paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Ayon kay PSSg Samie Imado ng RACU-Cor, "hangga't maaari, kahit mag-girlfriend kayo, mag-boyfriend, or kahit live-in partner, huwag naman na kayong mag-video ng inyong intercourse. Kahit man sabihing souvenir ninyo 'yun, hindi rin naman kagandahan 'yun sakaling hindi kayo magkatuluyan."
 
Aniya, ito ang kadalasang pinag-uugatan ng pagkalat ng mga malaswang larawan o video.
 
Pinayuhan din nito ang mga gumagamit ng iba't ibang social media platforms na maging maingat lalo na ang mga nakikipag-video call, at hangga't maaari, huwag nilang ipakita ang mga pribado o maselang parte ng kanilang katawan.

Nagbigay ng paalala si PSSg Samie Imado ng RACU-Cor ukol sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, sa Usapang PIA nitong Huwebes, Setyembre 21, 2023.

"Huwag na kayong magpakita ng mga private parts kasi hindi ninyo alam, diyan sa kabilang side, baka nire-record kayo, then after that, pangtatakot sa'yo 'yung ni-record niya," babala ni Imado.
 
Tiniyak naman nito na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang reklamo kaugnay nito. Maaari ring tumawag sa 0928-237-1425, 0967-234-2628, o (074) 422-5821.
 
Inihayag ni Imado na hindi dapat mahiya ang mga biktima ng naturang paglabag. "Mas maganda na mag-report sila sa amin para maaksyonan natin agad kasi kung nahihiya sila, baka mas lumaki pa 'yung kahihinatnan."
 
Ngayong taon ay nasa dalawang kaso ng paglabag sa RA 9995 ang naitala ng RACU-Cor.
 
Nakasaad sa naturang batas na ang mga lalabag dito ay maaaring makulong nang hindi bababa sa tatlong taon pero hindi hihigit sa pitong taon, at/o mamumultahan ng hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit sa P500,000. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch