BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Tumanggap ng tulong-pinansiyal kahapon ang 88 na Micro Rice Retailers (MRRs) sa lalawigan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinanggap ng mga MRRs ang Economic Relief Subsidy na nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa dahil sa kanilang pagsunod at pagtalima sa Mandated Rice Price Ceiling sa bansa.
Ayon kay DTI Provincial Director Marietta Salviejo, ang mga MRR na mula sa mga bayan ng Aritao, Bagabag, Bambang, Diadi, Bayombong, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Solano at Villaverde ay unang batch ng mga nabigyan ng nasabing Economic Relief Subsidy sa Nueva Vizcaya.
Tumatanggap ng tulong-pinansiyal ang mga rice retailers sa Nueva Vizcaya mula sa DSWD at DTI matapos ang kanilang pagtalima sa Mandataory Rice Price Ceiling sa bansa. PIA Photo
Nauna rito, 107 ang nailistang beneficiaries ng Economic Relief Subsidy ngunit 88 lamang ang naging kwalipakado dahil sa kanilang agarang pagtalima sa implementasyon ng Mandatory Rice Price Ceiling na nilalaman ng Executive Order Number 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ipinakita ng isang rice retailer sa Nueva Vizcaya ang tulong - pinansiyal na natanggap nito mula sa DSWD at DTI dahil sa pagsunod sa Mandatory Rice Price Ceiling . Alinsunod ito sa Executive Order No. 39 ni President Ferdinand Marcos,Jr.. PIA Photo
Ayon naman kay Margie De Guzman, pangulo ng Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRCP) – Cagayan Valley Chapter, isang malaking tulong ang naibigay sa mga MRR sa lalawigan dahil marami sa kanila ang nalugi dahil sa pagsunod sa itinakdang rice price ceiling.
Dagdag ni De Guzman na P130.00 hanggang P150.00 per 125 kilos ng isang sakong bigas ang kanilang lugi dahil sa pagsunod sa EO 39 o Mandatory Rice Price Ceiling (MRPC) na nagtatakda rin ng mariing kaparusahan sa mga lalabag.
Umaasa si De Guzman na madadagdagan pa ang nasabing Economic Relief Subsidy sa kapwa MRRs dahil sa tuloy-tuloy na implementasyon ng MRPC. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)