No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

RTF-ELCAC nagsagawa ng Serbisyo Caravan sa Lipatan, Sto. Nino, Cagayan

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) – Iba’t ibang tulong mula sa mga mga member agency ng Regional Task Force - Ending Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ang naihatid sa mga residente ng Brgy. Lipatan, Sto. Niño, Cagayan sa Serbisyo Caravan na isinagawa kahapon.

Ilan sa mga natanggap ng mga residente partikular ang mga nakatira sa Sitio Lagum ay Family Food Packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), isang supot ng sampung kilong bigas at mga delata mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, mga pakete na naglalaman ng iba’t ibang buto ng gulay mula sa Department of Agriculture (DA) at Provincial Agriculture Office, at mga bitamina at hygiene kits mula sa Department of Health. 

Bukod rito nag-abot rin ang RTF-ELCAC ng serbisyong medikal sa mga residente sa pamamagitan ng medical at dental teams ng Philippine Army - 5th Infantry Division (5ID) at Philippine Coast Guard - Northeastern Luzon na nagsagawa ng libreng check up at pagbubunot ng ngipin.

Ayon sa datos ng 5ID Dental Team, humigit-kumulang 20 na indibidwal ang nabenepisyuhan ng libreng pagbubunot ng ngipin kung saan nakatanggap din sila ng libreng gamot.

Ipinakilala rin ng iba’t ibang kinatawan ng RTF-ELCAC ang mga programa at serbisyo na maaaring ma-avail ng mga residente ng baranggay.

Sinundan ito ng open forum kung saan malaya ang bawat residente na magtanong sa mga kinatawan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at iparating ang kanilang mga gustong proyekto sa kanilang baranggay, partikular sa Sitio Lagum.

Ang Serbisyo Caravan ay proyekto ng RTF-ELCAC na naglalayong ihatid nang personal ang mga serbisyo at programa ng gobyerno sa mga malalayong baranggay.

Nagsagawa ng feeding activity at namigay ng libreng tsinelas para sa mga batang may edad walo pababa ang Cagayan Police Provincial Office at Sto. Niño Municipal Police Station katuwang ang 17th Infantry Battalion, Phil. Army bilang bahagi ng Serbisyo Caravan na isinagawa ng RTF-ELCAC sa Brgy. Lipatan, Sto. Niño, Cagayan kahapon. (Imahe mula sa PIA-2)

Katuwang ng RTF-ELCAC sa aktibidad na ito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, Lokal na Pamahalaan ng Sto. Niño, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Police Regional Office No 2, Cagayan Police Provincial Office, Sto. Niño Municipal Police Station, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company, 202nd Manuever Company-Regional Mobile Force Battalion, 5th Infantry Division Philippine Army sa pamamagitan ng 5ID Dental Team, 502nd Infantry Brigade, 17th Infantry Battalion, Coast Guard Northeastern Luzon, Department of the Interior and Local Government, (DILG), Philippine Information Agency (PIA), Technical Education Skills and Development Authority (TESDA),  DSWD, at DA. (JKC/ulat ni Mark Djeron Tumabao/PIA-Cagayan)

About the Author

Jan Karl Coballes

Regional Editor; Research and Development Officer; Tuguegarao City Information Center Manager

Region 2

Ibanag. Writer. Researcher. Ethnographer. Ethno-historian. Graduate student focusing on linguistic and cultural anthropology.

Feedback / Comment

Get in touch