LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pinangasiwaan ng tanggapan ng City Commission on Elections (COMELEC) katuwang ang Provincial Comelec ang isinagawang ‘Unity-Walk at Peace Covenant Signing’ bilang pagtugon sa mapaya at maayos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong darating na Oktubre 30 na sinimulan mula sa City Plaza Pavilion na nagtapos sa Oriental Mindoro National High School Grandstand noong Setyembre 23.
Dumalo ang mga kandidato sa pagka Punong-barangay at sa Sangguniang Kabataan kasama ang mga Sangguniang barangay members mula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod bilang pakikiisa sa panawagan ng Comelec.
Pinaalalahanan ni City Comelec Officer, Atty. Suminigay Mirindato na mahigpit na ipinagbabawal ang premature campaigning gayundin ang pangangampanya sa mga personal na social media accounts. Sakaling mapatunayan ang paglabag ay maaari munang paalalahanan ang kandidato, at kung patuloy pa rin sa nasabing gawain ay maaaring humatong sa diskwalipikasyon o makasuhan hanggang sa makulong at wala ng pagkakataon pa na makapanungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno.
Matapos ang mensahe ay nagpalipad ang mga pinuno ng puting kalapati bilang simbolo ng kapayapaan at pag-asa. Lumagda rin sa isang kasunduan ang mga kandidato para sa maayos at mapayapang halalan.
Nakiisa din sa nasabing aktibidad si Provincial Comelec Officer Atty. John Mark Tambasacan, City Mayor Malou Morillo, City Councilor Atty. Jel Magsuci, Police Provincial Director, Col. Samuel Delorino, Calapan City Police Chief, LtCol. Danilo Driz at mga pinuno ng iba’t-ibang sektor ng relihiyon sa lungsod. (DPCN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)