No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DSWD nagsagawa ng talakayan kasama ang mga LGU sa Nueva Ecija

SANTA ROSA, Nueva Ecija (PIA) -- Nagdaos ng talakayan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang mga lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija. 

Ito ay bahagi ng Kumustahan program ng ahensiya na layuning makapanayam ang iba’t ibang katuwang sa pagsusulong ng mga programa sa bawat lokalidad.

Ayon kay DSWD Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela, taunan itong ginagawa upang kumustahin ang implementasyon ng mga programa at serbisyo para sa panlipunang proteksyon ng mga higit na nangangailangang mamamayan. 

Dumalo sa naturang aktibidad ang ilang mga alkalde, bise alkalde, at konsehal ng mga lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija, kasama ang mga hepe at kinatawan ng Local Social Welfare and Development Office at mga katuwang na ahensiya ng DSWD sa lalawigan. 

Unang ipinaliwanag sa pagpupulong ang patungkol sa isinusulong na digitalization para sa madaling pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa bawat lokalidad. 

Ayon kay Rebuldela, ito ay programang isinusulong ni Secretary Rex Gatchalian sa kagawaran na ikinakampanya sa mga lokal na pamahalaan para matututukan ang profiling ng mga higit na nangangailangang mamamayan na silang prayoridad na matulungan lalo na sa oras ng pangangailangan. 

Kasama na rin dito ang pagpapaunlad ng sistema sa pagbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng digital o electronic payments para sa mas mabilis na paghahatid ng tulong sa pinaikling transaksyon.  

Sa pamamagitan ng isinagawang talakayan ay ipinarating din ng mga lokal na pamahalaan ang mga kasalukuyang pangangailangan at usapin tulad ang pagdaragdag ng mga senior citizen na kwalipikadong makatanggap ng social pension, pagtatayo ng mga pasilidad o Bahay Pag-asa para sa mga Children-at-Risk at Children in Conflict with the Law, implementasyon ng mga programa para sa mga solo parent at iba pa. 

Bago natapos ang programa ay nagbigay ng pagkilala at pasasalamat ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan na patuloy ang suporta sa mga isinusulong na adhikain na pagtulong sa mga mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Kabilang sa mga binigyang pagkilala ng Department of Social Welfare and Development ang pamahalaang bayan ng Jaen sa pangunguna nina Mayor Sylvia Austria (pang-apat mula sa kaliwa) at Vice Mayor Sylvester Austria (pangatlo mula sa kaliwa) sa kanilang patuloy na pagsuporta at mahalagang gampanin sa mga isinusulong na adhikain ng kagawaran na pagtulong sa mga mamamayan. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch