QUEZON CITY, (PIA) -- Isang kumperensiya ng mga tagasalin sa Pilipinas ang isinagawa sa Maynila na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) katuwang ang Unibersidad ng Santo Tomas, Kolehiyo ng Edukasyon - Departamento ng Filipino mula ngayong araw hanggang biyernes.
Ang tatlong araw na kumperensyang ito ay may layuning tipunin ang mga tagasalin sa bansa upang talakayin ang mga napapanahong usapin kaugnay sa kalagayan ng pagsasalin at ng mga tagasalin sa bansa. Bukod dito, nais ding makabuo ng mga paunang plano o hakbang para sa pagsusulong ng kapakanan ng mga tagasalin at ng propesyonalisasyon ng pagsasalin.
Ayon sa Tagapangulo ng KWF Dr. Arthur P. Casanova, ang papel ng mga tagasalin ay tunay na napakahalaga at layunin ng pagtitipon na magbigay ng kahit kaunting liwanag sa landas tungo sa pagpapataas ng nasabing propesyon.
“Ang pagsasalin ay hindi lamang kasanayan, pundasyon ito ng mabisang pambansa at pandaigdigang komunikasyon. Tumutulong ito sa paghubog ng mga naratibo, pagpapahusay ng diplomasya, pagpapa-igting ng palitan ng mga kultura at pagpapalakas ng kalakalan,” saad ni Dr. Casanova.
Ang tatlong araw na kumperensiya ay binubuo ng tatlong panayam at apat na panel. Ang mga paksa sa panayam ay ang mga sumusunod: Halaga ng Propesyonalisasyon ng Pagsasalin sa Pilipinas; Mga Konsiderasyon at Proseso ng Akreditasyon ng mga Tagasalin (Karanasan sa Ibang Bansa); at Mga Etikal, Moral, at Ekonomikal na konsiderasyon sa Propesyonal na Pagsasalin. Ang mga panel naman ay sumusunod: Mga Danas sa Pangangasiwa ng Serbisyong Salin; Mga Programa sa Pagsasanay sa Pagsasalin; Mga Programa ng mga Sentro ng Wika at Pagsasalin, at Mga Programa ng mga organisasyon sa Pagsasalin.
Maaaring subaysayan ang kumperensiya sa facebook livestream ng KWF sa https://www.facebook.com/komfilgov para sa mga nagnanais na makinig sa mga talakayan. (PIA-NCR)