Mahigit 3.5 milyong piso ang pondong ibinibigay ng DSWD at DTI sa mga Micro Rice Retailers sa Nueva Vizcaya bilang emergency Relief Subsidy dahil sa pagsunod ng mga ito sa Executive Order 39 na nagtakda ng Rice Price Ceiling sa bansa. (Larawan mula sa - PIA NVizcaya)
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) — Mahigit 3.5 milyong piso ang ibinigay na tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI) kamakailan sa 228 Micro Rice Retailers (MRRs) sa lalawigan dahil sa pagtalima ng mga ito sa ipinatutupad na Mandatory Rice Price Ceiling (MRPC) sa bansa.
Ayon kay DTI Provincial Director Marietta Salviejo, ang Emergency Relief Subsidy (ERS) ay ibinigay sa pangalawang grupo ng MRRs dahil sa kanilang pagsunod sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Nauna rito, 88 MRRs sa Nueva Vizcaya ang nabigyan din ng parehong tulong noong nakaraang linggo.
Masayang ipinapakita ng isang rice retailer sa Nueva Vizcaya ang kanyang katatanggap na Emergency Relief Subisdy mula sa DSWD at DTI dahil sa kanyang pagtalima sa Mandatory Rice Price Ceiling sa bansa.( Larawan mula sa - PIA NVizcaya)
Sinabi ni Salviejo na dahil sa EO 39, ang presyo ng regular-milled rice ay nananatiling nasa P41.00 per kilo habang ang well-milled rice naman ay P45.00 per kilo sa lalawigan.
Dagdag ni Salviejo na ang ERS ay ibinigay sa mga MRR upang mapunuan ang kanilang lugi dahil sa pagtalima sa nasabing EO 39.
Dagdag pa ni Salviejo na nasa 96 porsyento na ang compliance rate ng mga MRRs sa pagsunod sa EO 39 sa lalawigan base sa kanilang palagiang monitoring simula noong ipatupad ang MRPC.
Sinabi pa nito na hindi magtatagal ang implementasyon ng EO 39 dahil sa palapit na pag-ani ng mga magsasaka kung saan inaasahan ang pagdami muli ng suplay ng bigas sa bansa at maibababa na muli ang presyo nito.
Dahil dito, pinasalamatan ni Salviejo ang mga MRR dahil sa patuloy nilang kooperasyon at pagsunod sa EO 39 na nagtakda ng MRPC. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)