ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Mahigit P42-million na pondo ang inaasahang maipapamahagi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa probinsya ng Romblon bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ito ang ibinahagi ni DSWD-SLP Provincial Coordinator Gare Gaa sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Martes, Setyembre 26.
Ayon kay Gaa, 2,829 na benepisyaryo sa buong lalawigan ang makikinabang sa programa matapos pagbigyan ng DSWD Central Office ang kahilingan ng mga opisyal ng probinsya sa kahilingan nilang ipasok sa SLP program ang mga napiling benepisyaryo.
Sa bilang na ito, 200 rito ay individual referral ng lokal na pamahalaan ng Magdiwang, 300 naman sa Romblon, at 142 sa bayan ng Santa Fe. Samantala, may individual referral namang 850 benepisyaryo si Vice Governor Armando Gutierrez, at 667 ang individual referral ni Governor Jose Riano.
Dagdag ni Gaa na may 670 rin na special individual referral ang opisina ni Senator Christopher "Bong" Go para sa 670 na mga Romblomanon na maipapasok sa SLP. Ang mga benepisyaryo ay tatanggap ng P15,000 na livelihood assistant grant bawat isa.
Ang Sustainable Livelihood Program ay programa ng DSWD na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa pagpapalakas ng kanilang mga indibidwal na negosyo. (PJF/PIA MIMAROPA - Romblon)