No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paghahanda sa Barangay at SK Elections, tinalakay sa Kapihan sa PIA Cam Norte

DAET, Camarines Norte, Setyembre 22 (PIA) – Tinalakay ng mga kaugnay na ahensiya sa Camarines Norte ang kani-kanilang paghahanda para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa ika-30 ng Oktubre ngayong taon.

Ito ay sa isinagawang Kapihan sa PIA ng Philippine Information Agency (PIA) Camarines Norte na ginanap sa SM City Daet noong Miyerkules, ika-20 ng Setyembre.

Ang Commission on Elections (COMELEC), bilang pangunahing ahensiya na nangangasiwa sa halalan ay nagsasagawa ng information dissemination, voters education at candidates orientation tungkol sa mga pinagbabawal sa Barangay at SK Elections.

Ayon kay Election Officer III Rommel Pajarin, miyembro ng speakers bureau ng COMELEC, ipinagbabawal pa ngayon ang pangangampanya ng mga kandidato dahil magsisimula ito sa Oktubre 19 hanggang 28 kung saan isa ito sa minomonitor ng kanilang tangapan kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd) at ng mga deputized agencies.

Pinaalalahanan  ni Pajarin ang mga kandidato na sumunod sa batas na ipinapatupad upang hindi magkaroon ng problema. Aniya ito rin ang pagkakataon ng mga botante na pumili ng mga karapat-dapat na kandidato na manunungkulan sa kanilang barangay.

Ayon kay DILG Provincial Director Melody Relucio pinagtutuunan nila ng pansin ang pagsasagawa ng inventory sa lahat ng mga properties ng barangay bilang paghahanda sa turn-over na gagawin sa darating na Nobyembre 30.

Aniya, ang DILG ay naghihikayat sa mga mamamayan na tumulong sa voters education upang maging maayos ang gagawing halalan.

Samantala, nagtalaga naman ng mga kapulisan si Provincial Director PCol. Joselito E. Villarosa Jr. ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa mga COMELEC checkpoints sa lalawigan upang masiguro na walang armas na nakalabas ngayon dahil sa ipinatutupad na gun ban.

Tinalakay ng mga kaugnay na ahensiya sa Camarines Norte ang kanilang paghahanda para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa isinagawang Kapihan sa PIA ng Philippine Information Agency (PIA) Camarines Norte na ginanap sa SM City Daet. (PIA5/Camarines Norte)

Patuloy namang gagampanan ng mga kapulisan sa Camarines Norte ang kanilang mga tungkulin partikular na ngayong darating na BSKE.

Umaasa ang hepe ng probinsiya na magkakaroon ng isang malinis na halalan dahil sa mga programa na ibinubuklod hindi lamang ng COMELEC kundi pati na rin ng DILG, PNP at ang dasal na ibinibigay ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Nagsimula na ring manghikayat ng mga volunteers ang PPCRV na makakatulong sa gaganaping halalan ng BSKE ayon kay Lay Coordinator Marissa Bernardo.

Siniguro ni Bernardo na sa araw ng eleksyon ay magtatalaga ang PPCRV ng mga volunteers na magbabantay sa pagboto ng mga mamamayan sa mga polling precincts.

Magtatalaga rin sa gate ng mga eskwelahan bilang voters’ assistance desk na gagabay sa mga botante kung saang presinto sila boboto lalo na ang mga Persons with Disabilities (PWDs), buntis at mga senior citizens.

Ang Kapihan sa PIA ay pinangunahan ni Information Center Manager Rosalita Manlangit at dinaluhan ng mga kinatawan ng media mula sa Brigada News FM-Daet, GMA 7, MBTV News, Camarines Norte News, DWLB-FM, Idol FM, CNTV News, DZAU-FM, Radyo Pilipinas, Provincial Information Office (PIO) at The Crown.  (PIA5/Camarines Norte)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch