LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Sabay-sabay na ipinagdiriwang sa buong bansa ang opening ceremony ng 34th National Statistics Month noong Oktubre 2. May tema ang selebrasyon ngayong taon na "Accelerating Progress: Promoting Data and Statistics for Healthy Philippines."
Kaugnay nito, nakiisa ang Philippine Statistics Auhority (PSA) Mimaropa sa naturang gawain sa Mindoro State University-Calapan City Campus.
Nagsagawa ng motorcade ang iba't-ibang ahensiya bilang pagpapakita ng suporta sa naturang gawain.
Pinasalamatan ni PSA Mimaropa Regional Director Leni R. Rioflorido ang lahat upang maisakatuparan ang pormal na pagbubukas ng selebrasyon sa rehiyon.
Ayon kay Rioflorido, napakahalaga umano ng gawain na ito upang higit na maipaalam sa mga mamamayan ang kahalagahan ng estadistika sa iba't-ibang sektor ng lipunan. Gayundin, inimbitahan nito ang lahat ng mga lumahok na makiisa sa iba pang mga nakahanay na aktibidad ngayong buwan, kabilang ang tree planting activities, film showing, training on basic statistics for LGUs, statistics quiz, dissemination forum to selected colleges, at ang ikalawang Mimaropa Data Festival.
Samantala, binigyang pagpapahalaga naman ni Mindoro State University-Calapan City Campus Executive Director Dr. Elvi C. Escarez ang ginagampanan ng estadistika sa pagpapaunlad ng kalusugan sa bansa bilang suporta sa tema sa ngayong taon.
Ibanahagi naman ni Commission on Population and Development (CPD) Mimaropa Regional Director Reynaldo O. Wong ang kahalagahan ng paglalatag ng Local Migration Database sa iba't-ibang mga barangay sa rehiyon at maging sa buong bansa.
Ayon kay Wong, ang pagkakaroon ng ganitong datos ay kinakailangan sa pagpapaunlad ng estado ng pangkabuuang pangkaunlaran sa isang lugar. Magagamit din ito sa pagbibigay ng tamang datos sa mga ahensiyang nagbibigay ng mga social services sa mga barangay.
Inilatag din sa naturang programa ni Provincial Department of Health Office (PDOHO) Oriental Mindoro Development Management Officer Dr. Bombais ang 8-point agenda ng DOH na nasa prayoridad din ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapagtuunan ng pansin at matugunan ng pamahalaang nasyunal ang mga pangangailangan upang maiangat ang antas ng kalusugan ng mga Filipino. (JJGS/PIA Mimaropa)