
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Binuksan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Mimaropa sa tanggapan ng Language Skills Institute (LSI) of Oriental Mindoro sa Kapitolyo ang General Virtual Assistance (GVA) sa pamamagitan ng oryentasyon kasunod ng pag-aaral at pagsasanay ng Basic English Language kasabay ng mga programa ng Technology for Economic Development o Tech4Ed noong Oktubre 2.
Sinabi ng administrador ng LSI na si Olivia Palomaria, nasa 25 estudyante ang dadaan sa anim na araw na face-to-face classes at pitong araw na field works bilang aktwal na pagsasanay.
Bago buksan ang klase ay tinalakay ni Alvin John Ferias na siyang magsasagawa ng pagsasanay kung ano ang aasahan ng mga estudyante sa panahon ng pag-aaral at field works mula sa unang araw ng klase hanggang Oktubre 19.
Pagkaraan ng 13 araw ay sasailalim sa ebalwasyon ang mga magsisipagtapos at saka gaganapin ang graduation na nakatakdang gawin sa Oktubre 27.
Maliban sa DICT Mimaropa at LSI, kaisa rin sa nasabing programa ang mga tanggapan ng Provincial PESO at Calapan City PESO, ICT Literacy and Competency Development Bureau (ILCDB) at Digital Jobs PH. (DPCN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)