ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Dahil sa matinding pinsala sa swine industry ng tumamang African Swine Fever (ASF) sa bayan ng San Fernando, nagdeklara na ngayong Miyerkules ng State of Calamity sa lugar.
Ayon kay San Fernando Mayor Nanette Tansingco, as of October 3 ay may 403 na baboy na ang naitala ng Municipal Agriculture Office na nasawi sa parehong sintomas ng ASF sa mga Barangay ng Canjalon, Otod, Azagra, Poblacion, Pili at Mabini.
Sa pagdedeklara ng State of Calamity ay maipapalabas ng lokal na pamahalaan ang kanilang Quick Response Fund (QRF) para sa pagmomobilisa ng resources at paggamit ng kaukulang pondo.
Sinabi rin ng alkalde na bibigyan nila ng ayuda ang mga hog raisers na naapektuhan ng sakit.
Kaugnay parin ng ASF, binuo nang muli ng lokal na pamahalaan ang Task Force African Swine Fever na tutok para mapigilan ang pagkalat ng ASF sa bayan.
Ipinag-utos na rin ng alkalde na maglatag ang mga barangay ng bordor control checkpoints na may tao 24 oras para magsagawa ng disinfection.
Inatasan na rin nito ang Municipal Agriculture Office na magsagawa ng Information, Education, and Communication campaign kaugnay sa ASF para maturuan ang mga tao kaugnay sa sakit. (PJF/PIA Mimaropa - Romblon)