No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

333 micro rice retailers sa Bulacan tumanggap ng cash assistance mula sa DSWD

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Tuwirang nakatulong sa 333 na micro rice retailers sa Bulacan ang ipinagkaloob na cash assistance na maka-alpas sa pagkalugi upang bigyang daan ang umiral na mandated price ceiling sa regular-milled at well-milled na bigas.

Ito ang iniulat ni Department of Trade and Industry (DTI) OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon ngayong iniangat o binawi na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inilabas na Executive Order No. 39.

Magagamit aniya ang natanggap na cash assistance upang ipangpuno sa puhunan para makapagtinda ng halagang P41 hanggang P45 na kada kilo ng bigas.

Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bulacan Provincial Extension Office Provincial Link Josephine David na nagmula ang pondo nito sa Sustainable Livelihood Program ng ahensiya.

May direktang kaugnayan aniya ito sa kabuhayan kaya’t minarapat ng pamahalaang nasyonal na ang programang ito ang ipangtulong sa mga micro rice retailers.

Ang sistema, nagsisilbing tagapag-ugnay ng programang ito ang Department of the Interior and Local Government sa mga pamahalaang lokal upang malaman kung sinu-sino ang mga lehitimong micro rice retailers sa mga bayan at lungsod partikular na sa mga palengke.

Sinuri naman ng DTI ang kawastuan ng mga dokumento nito kung sila’y may business permit, business name at iba pang rekisito sa pagkakaroon ng negosyo.

Higit sa lahat, nagiging kwalipikado ang benepisyaryo kung sila’y regular na nagtitinda ng bigas na may presyong P41 hanggang P45 kada isang kilo.

Ang mga naaprubahan ng DTI ang nakatanggap ng tig P15 libong cash assistance mula sa DSWD. Katumbas ng nasa P4.9 milyon ang halaga ng mga naipalabas na ng DSWD sa serye ng mga pay-out.  

Ayon pa kay Dizon, maituturing na micro retailer kung ang halaga ng asset ay hindi lalagpas ng P3 milyon.

Batayan ng ipinatupad na Executive Order No. 39 ang Republic Act 7581 o Price Act na inamyendahan ng Republic Act 10623. (CLJD/SFV-PIA 3)

Natanggap na nina John Paul De Lara (kaliwa) at Marites Lorenzo (kanan), pawang mga micro rice retailers sa pamilihang bayan ng San Ildefonso, ang kanilang cash assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program-Cash Assistance for Micro Rice Retailers ng Department of Social Welfare and Development. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch