Sinabi ni PNP-PPCPO City Director PCol. Ronie S. Bacuel na handa na ang kaniyang himpilan para sa pagbibigay ng seguridad sa BSKE, kung saan 80 porsiyento ng kabuuan ng mga pulis ang itatalaga sa iba’t-ibang lugar sa lungsod ng Puerto Princesa partikular na sa mga polling place pagdating ng araw ng halalan upang matiyak na maging maayos, mapayapa at tahimik ang pagsasagawa nito. Magpapadala rin aniya ang PNP-PPCPO ng 81 mga pulis para naman sa karagdagang puwersa ng PNP-Palawan Provincial Police Office (PNP-PPO).
Katuwang din ng COMELEC ang PNP-PPCPO sa pagsasagawa ng peace covenant signing para sa mga kandidato sa iba’t-ibang posisyon.
Unang isinagawa ang peace covenant signing noong Oktubre 3 para sa mga tumatakbong kandidato sa bahaging sur at noong Oktubre 7 naman para sa mga tumatakbong kandidato sa bahaging norte ng lungsod.
Gaganapin naman sa Oktubre 11 at 13 ang peace covenant signing ng mga tumatakbong kandidato sa poblacion area na gaganapin sa Mendoza Park. Tuloy-tuloy ang random check point na isinagawa ng PNP-PPCPO sa mga estratihikong lugar sa siyudad. (OCJ/PIA Mimaropa - Palawan)