LAOAG CITY, Ilocos Norte (PIA) -- Isinagawa ang turnover ceremony at blessing para sa dalawampu’t walong bagong patrol vehicles at safety equipment para sa kapulisan sa Ilocos Norte mula sa Philippine National Police noong Oktubre diyes.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ang mga ito ng mahigit P35 milyon ang mga nasabing patrol vehicles.
Samantala, aabot halos dalawang milyon ang halaga ng mga safety equipment gaya na lamang ng sampung tactic vest, tatlumpung all-purpose vest, sampung enhanced combat helmet level, at 267 na raincoats.
Pinangunahan ang naturang turnover ceremony nina PNP Director for Logistics Police Major-General Mario Reyes na kumatawan kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. at Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos.
Ayon kay Marcos, patuloy ang suporta ng kaniyang opisina sa mga kakailanganin ng kapulisan sa Ilocos Norte para sa mas ligtas at mas payapang komunidad sa probinsya.
“As long as you are there ensuring that our streets are safe, ensuring that law-abiding citizens are taken care of, I can assure you and promise you that the Congressional District of Ilocos Norte will lend full support to whatever endeavor the Philippine National Police might need," saad ni Marcos.
Ang mga nasabing equipment ay magagamit ng pulisya sa pagbibigay ng mas magandang pagseserbisyo upang mabilis na makaresponde sa krimen at mapanatili ang peace and order sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Nagpapasalamat naman ang chief of police ng bayan ng Sarrat para sa mga bagong kagamitan ng magagamit para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
"Napapanahon na magagamit natin ang mga patrol car at safety equipment para sa nalalapit na eleksyon para ma-achieve talaga natin ang peaceful elections ngayong taon," pagpapasalamat ni Capt. Reycar Almazan, OIC-Chief of Police ng Sarrat Police Station. (JCR/MJTAB PIA Ilocos Norte)