LUCENA CITY (PIA) — Kasado na ang konstruksyon ng Quezon Preparedness Operations Center (QPOC) ng pamahalaang panlalawigan na inaasahang makatutulong para sa mas mabilis na pagresponde sa mga taong nangangailangan ng tulong sa oras ng kalamidad.
Kamakailan ay pinangunahan ni Quezon Governor Helen Tan kasama ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang groundbreaking ceremony, hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon ng state-of-the-art na pasilidad sa Brgy. Isabang Tayabas City.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang itatayong 'climate-resilient' na gusali ay may kabuuang sukat na 2,028 square meters at mayroong apat na palapag.
Sa loob ng QPOC ilalagay ang state-of-the-art facilities, makabagong teknolohiya, at iba pang kagamitan para sa mas epektibo, mabilis, at maagang pagresponde tuwing may kalamidad, sakuna, at emergencies.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Tan ang kahalagahan ng isang operations center at hangad ng pamahalaang panlalawigan na makasabay ang QPOC sa mga pasilidad ng disaster-resilient na siyudad at probinsya.
Ayon naman kay Dr. Melchor Avenilla, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, malaki ang maitutulong ng itatayong operations center sa pagsubaybay at mabilis na pagresponde sa oras ng kalamidad.
Aniya, magkakaroon din ng CCTV at monitoring system sa atin pong operation center na naka konekta sa mga bayan-bayan.
Kabilang rin sa mga dumalo sa groundbreaking ceremony sina DOST-Quezon Provincial Director, Maria Esperanza E. Jawili, 1st District Board Member Julius Luces at mga katuwang na ahensya gaya ng Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Airforce, at iba pa. (Ruel Orinday, PIA Quezon)