Makikita si City Administrator Atty. Reymund Al Ussam (kanan) na kanyang wawasakin ang mga timbangan sa pamamagitan ng pagpalo ng maso habang nakamasid sina (kaliwa pa kanan) Joy Dinglasan ng DTI-Oriental Mindoro, CEED Officer Enp. Nepo Jerome Benter at City Environment Officer Wilfredo Landicho na isinagawa sa harapan ng Pamilihang Lungsod kamakailan. (Larawan kuha ng City Information Office)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Department of Trade and Industry tuwing buwan ng Oktubre ng Consumer Welfare Month, isinagawa ng City Economic Enterprise Department (CEED) ng Pamahalaang Lungsod ang pagsira sa 26 na depektibong timbangan na isinagawa sa harapan ng Calapan City Public Market noong Oktubre 13.
Sinabi ni CEED Officer, Enp. Nepo Jerome Benter, “Sa pamamagitan ng Operation Pitpit, prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pangalagaan ang karapatan ng mga mamimili na makuha ang patas at tamang timbang ng mga produkto na kanilang binibili kaya nararapat lamang na sirain ang mga depektibong timbangan.”
Naging saksi sa pag wasak sa mga timbangan ay si Joy Dinglasan na kumatawan kay DTI-Oriental Mindoro Provincial Director Arnel E. Hutalla, CESO V, City Administrator Atty. Reymund Al Ussam, City Environment Officer Wilfredo Landicho at mga kawani ng City Engineering Department. (DPCN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)