No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PLGU Cotabato muling nagpaalala laban sa banta ng dengue ngayong tag-ulan

All PHOTOS courtesy of Integrated Provincial Health Office, LGU Cotabato

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang mga residente sa probinsya ng mga nararapat na gawin upang maiwasan ang sakit na dengue lalo na ngayong tag-ulan.

Maliban sa pagsunod sa 4S strategy na isinusulong ng Department of Health, hinihikayat ni Governor Emmylou Mendoza ang mga lokal na pamahalaan at ang buong mamamayan na magsagawa rin ng sariling mga hakbang at pamamaraan upang mapuksa ang mga lamok na may dala sa nabanggit na sakit. 

Binigyang-diin ng gobernadora ang ibayong pag-iingat laban sa naturang sakit upang maproteksyunan ang sarili at pamilya.

Sa panig naman ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), ipinanawagan ang agad na pagtungo sa pinakamalapit na health center o pagamutan ng mga indibidwal na may sintomas ng dengue. Halimbawa ng sintomas ay lagnat na umaabot sa 40°C. Maaari ding makaramdam ng pananakit ng laman, buto, at kasu-kasuan.

Kasali din sa mga sintomas kapag ang isang indibidwal ay may dengue ang pagsakit ng ulo at pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng likuran ng mata, at pagkakaroon ng mapupulang butlig sa balat.  

Ang mga paalala ay ibinigay matapos nakapagtala ng 47 porsyentong pagtaas sa kaso ng dengue ang lalawigan.

Base sa tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, simula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, umabot na sa 2,685 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan at 11 sa mga ito ang namatay.

Sa buong lalawigan, ang lungsod ng Kidapawan ang may pinakamataas na kaso ng naturang sakit na umabot sa 697.

Kaugnay nito, puspusan na rin ang pagsasagawa ng IPHO ng iba't ibang aktibidad na bahagi ng kampanya kontra dengue. (With reports from IDCD-PGO)

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch