LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Inihain ni Social Security System (SSS) Calapan Branch Head, Imelda Familaran sa siyam na establisyimento ang compliance order sa bayan ng Puerto Galera dahil sa hindi pagbibigay ng benepisyo o hindi pag remit ng mga kinaltas na kontribusyon sa mga empleyado para sa SSS sa pamamagitan ng programang Run After Contribution Evaders (RACE) nitong Miyerkules, Oktubre 18.
Sinabi ni Familaran, “Layunin ng aming tanggapan ang mapaalalahanan ang mga delinquent employer o amo ng kanilang obligasyon na i-remit sa aming tanggapan ang kontribusyon na kinakaltas sa sweldo ng kanilang mga empleyado upang sa hinaharap ay mapakinabangan nila ang mga benepisyo nito.”
Ayon pa kay Familaran, nalalaman ng kanilang tanggapan ang mga lumalabag sa nasabing hindi pagbabayad ng mga delingkwenteng amo dahil sa sumbong ng kanilang mga manggagawa bunsod na rin ng pagtatanong nila kung sila ba ay hinuhulugan ng kontribusyon matapos ikaltas sa sweldo ang para sa SSS.
Aabot sa siyam na pribadong tanggapan ang pinadalhan ng nasabing utos na kinabibilangan ng remittance center, paupahang apartment, diving shop, resort, spa at kainan.
Binigyan lamang ang mga nasabing establisyimento ng 15 araw na tugunan ang order at kung wala pa ding aksyon ay magsasampa na ng kaso sa piskalya ang SSS.
Ang programang RACE ay ipinatupad noong 2017 at nahinto lamang noong panahon ng pandemya at ngayo’y patuloy na ulit itong isinasagawa ng SSS sa buong bansa. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)