LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maging maingat sa paggamit ng digital payments.
Bahagi ng idinaos na pagdiriwang ng Consumer Welfare Month (CWM) sa Nueva Ecija ang seminar tungkol sa digital payments at consumer protection.
Ayon kay Bank Officer V Marian Patosa, ang BSP bilang bangko ng mga bangko o supervisor at regulator ng mga financial institution ay nagsusulong ng ligtas, mabisa, maaasahan, abot-kaya at inklusibong National Retail Payment System (NRPS) sa bansa.
Dumarami na aniya ang gumagamit ng mobile banking at e-wallet dahil madali itong ma-access at hindi na kailangan pang magtungo sa mismong bangko para magsagawa ng transaksyon.
Sa ilalim ng NRPS na pinangangasiwaan ng BSP ay mayroong electronic fund transfer facilities na PESONet at InstaPay.
Kaniyang ipinaliwanag na ang PESONet ay batch transfer na kung saan mayroong cut-off time ang mga financial institution sa pagpapadala ng pera, sa ilalim din nito ay naisakatuparan ang eGov Pay o pagbabayad ng bayarin sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan gamit ang mga digital payment.
Sa kabilang banda, ang InstaPay naman ay agad natatangap ang pera sa mismong oras ng naging transaksyon at dahil dito ay naging posible ang paggamit ng Quick Response (QR) Code o QR Ph para sa mas pinadaling pagbabayad at pagpapadala ng pera.
Ibinahagi rin ni Patosa ang mga benepisyo sa paggamit ng digital payments tulad ang paglalapit at pagpapadali ng kailangang financial services na nagagamit 24-oras kahit saang lugar pa naroroon.
Bukod pa rito ay mayroong automatic transaction history ang bawat e-wallet o mobile banking application na kung saan madaling nakikita ang financial activities. Maliban sa fund transfer ay mayroon din itong financial products at services, tulad ng loan at insurance.
Kaugnay nito ay nagbigay ng paalala si Patosa hinggil sa maingat na paggamit ng digital payments.
Aniya, ingatan ang digital footprint o bakas sa paggamit ng mga digital transaction sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagpopost ng mga mahahalaga at personal na impormasyon sa social media.
Gayundin ay iwasang gumamit ng mga bagong application na kung saan maaaring makuha ang mga personal na impormasyon at maging dahilan pa na ma-hack ang account.
Isa pa sa kaniyang binanggit ay tiyaking lehitimong mobile banking application lamang ang ginagamit at huwag agad nagbubukas ng mga link o clickbait na nakikita sa social media.
Para makasiguro ay laging i-update ang mga security feature ng gadget at huwag ipapagamit sa iba.
Ayon pa kay Patosa, pinakamahalagang dapat na tandaan sa paggamit ng mobile banking ay laging mag-log out sa application tuwing matatapos ang transaksiyon, gayundin ay gumamit ng multi-factor authenticator tulad ng facial recognition at thumbmark.
Huwag din aniyang ipagsasabi sa iba ang pin at One-Time Password para sa online at mobile banking.
Kung mayroong kahina-hinalang pangyayari sa bank account ay agad na i-ulat sa financial service provider o sa pinakamalapit na opisina ng BSP.
Maaaring personal na magtungo sa opisina ng BSP o kaya naman ay magpadala ng mensahe sa kanilang BSP Online Buddy na maa-access sa opisyal na Facebook page ng ahensiya.
Samantala, tampok din sa idinaos na CWM celebration sa lalawigan na may temang “GenS: Generation Sustainable,” ang paggawad ng parangal para sa Pinakamaringal na Pamilihang Bayan, Bagwis Awards at zumba contest para sa mga consumer organization na pinangasiwaan ng Department of Trade and Industry. (CLJD/CCN-PIA 3)