BOTOLAN, Zambales (PIA) -- Magkakaloob ng Mobile Water Treatment Plant (MWTP) ang Department of Science and Technology (DOST) sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Nagkakahalaga ito ng P3 milyon sa ilalim ng Programang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST).
Ayon kay DOST Provincial Director Angelita Parungao, kayang iproseso ng MWTP ang tubig mula sa baha, sa ilalim ng lupa at ulan upang maging malinis na inumin.
Nasa 500 litro ng tubig kada oras ang kayang malinis at maipainom nito.
Nakapatong ang water treatment plant sa isang fabricated na four-wheeler trailer na idinisenyo upang mahatak ng isang four-wheel light vehicle.
Detalyadong ipinakita ng DOST ang mga features at components nito sa pamamagitan ng pagtatampok sa MWTP sa ginanap na Science Centrum and Product Bazaar kaugnay ng Regional Science, Technology and Innovation Week sa Botolan, Zambales.
Pangunahin sa mga components nito ang media filtration system, water softening system, ultrafiltration system, reverse osmosis system, at post disinfection and filtration system.
Sa media filtration system, inaalis lahat ng matitigas na bagay na nakahalo sa tubig gaya ng mga bato, bakal, chlorine at iba pang organic materials.
Tinatanggal naman ng water softening system ang mga hardness-causing calcium at magnesium materials mula sa tubig sa pamamagitan ng pagproseso sa ion exchange. Magpapalambot ito sa kalidad ng tubig kapag ininom.
Sa ultrafiltration, mayroong inilalabas na pressure sa tubig upang mawasak ang nahalong semi permeable membrane ng isang maduming tubig.
Gagawin namang dalisay o purified ang kalidad ng tubig sa reverse osmosis system habang sa post disinfection and filtration system ay sabay na pinipigil ang pagpasok ng dumi sa nilinis na tubig at maialis ang anumang bagay na hindi dapat mahalo rito.
Ang MWTP ay may sariling suplay ng kuryente mula sa generator set sakaling maidestino sa mga lugar na putol ang linya ng kuryente dahil sa pagtama ng kalamidad.
Maaari rin itong ikabit sa local power provider o power distribution utility sakaling may kuryente sa lugar.
Para naman kay PDRRMO Head Manuel Lukban, malaking bagay ang pagkakaroon nitong MWTP na isa sa malalaking suporta ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng DOST.
Makakatulong ito sa pagtitiyak na may malinis na maiinom na tubig ang mga naapektuhan ng kalamidad gaya ng bagyo, baha at maging tagtuyot.
Karaniwang napuputol ang suplay sa linya ng tubig kapag may malawakang pagbabaha at kapag mababa ang lebel ng tubig sa mga dams dahil sa tagtuyot. Nagrarasyon ng tubig ang mga pribadong water concessionaires sa mga apektadong resindete ngunit limitado lamang.
Nauna nang ipinagkalooban ng MWTP sa ilalim ng CEST ang mga pamahalaang panlalawigan ng Aurora at Tarlac. (CLJD/SFV-PIA 3)