LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Handa na ang pamunuan ng MRT-3 para sa pagpapatupad ng ‘Oplan Byaheng Ayos’ ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at Undas.
Kaugnay nito, mas pinaigting na ang seguridad sa buong linya ng MRT-3 alinsunod sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) na siguruhing sapat at ligtas ang pampublikong transportasyon sa eleksyon sa Oktubre 30 at sa panahon ng Undas.
"Sinimulan na po natin ang pagpapairal ng mas mahigpit na seguridad sa MRT-3 upang matiyak ang tuloy-tuloy at ligtas na biyahe ng mga pasahero sa eleksyon at Undas. Gayundin po, mayroon po tayong sapat na bilang ng mga kawani na handang umagapay sa mga pasahero at aksyunan ang kanilang mga hinaing kung kinakailangan," saad ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Dagdag pa ni Aquino na tuloy-tuloy ang maayos na pangangalaga ng mga bagon at ang pagde-deploy ng sapat na bilang ng mga tren upang mapagserbisyuhan ang mga pasahero lalo na sa kasagsagan ng barangay at SK elections at Undas.
Sa kasalukuyan, mayroong 18 train sets na tumatakbo sa revenue tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat naman ang spare trains. (MRT-3/PIA-NCR)