No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

169 MSMEs mula sa creative industry tampok sa 25th Likha ng Central Luzon

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Itinampok sa katatapos na ika-25 Likha ng Central Luzon Trade Fair ang may 169 micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa creative industry.

Kabilang na riyan ang embroidery, textile, handicrafts, art crafts, home furnishings, furniture, gifts and holiday decors, bags, fine jewelry, footwear at iba pang innovative products.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon, layunin nito na matukoy kung sinu-sino ang mga potensiyal na matulungan ng mga binabalangkas na proyekto at programa na naaayon sa probisyon ng Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industry Development Act (PCIDA).

Sa Bulacan, pinakakilala na produktong “Tatak Bulakenyo” na nasa industriyang ito ay ang sektor ng embroidery at textile. Pinakamalaki rito ang Bagong Barrio Multipurpose Cooperative na nakabase sa bayan ng Pandi.

Isa si Ranie Villanueva sa mga kasapi nitong kooperatiba na may patahian ng barong tagalog, baro’t saya at terno na nakakapag-export na sa Australia, Canada at Estados Unidos.

Naging merkado ito ng exporter dahil sa malaking demand at orders ng mga Filipino communities sa nasabing mga bansa.

Benepisyaryo rin ang nasabing kooperatiba ng Shared Service Facility Program ng DTI kung saan nakatanggap sila ng dalawang kasangkapan gaya ng computerized embroidery machine.

Sinabi naman ni Department of Science and Technology Provincial Director Angelita Parungao, magbibigay ng karagdagan na limang units ng computerized embroidery machine ang ahensiya sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program.

Lumahok din ang Eunique Online Shop mula sa bayan ng Paombong na lumilikha ng mga makabagong disenyo ng Bayong, mga shoulder at handbag na gawa sa mataas na klase ng banig.

Target ng bagong tatag na shop na ito na maialok sa pandaigdigang merkado ang kanilang mga produkto na kapapasa lamang sa One Town, One Product (OTOP) Program ng DTI.

Lebel-up namang rattan basket ang ibinida ng Nueva Ecija na kabilang sa mga produktong “Taas Noo,Novo Ecijano”.

Matitigas na klase ito ng rattan na hindi kayang malusaw sakaling may maisilid o mailagay na isang alternatibo sa plastic bilang lagayan ng mga naipamalengke o naipamili.

Kinilala naman bilang mga Likha Heroes ang mag-asawang Fernando Acuna ng Casamoda Handicrafts. Gumagawa sila ng mga exquisite woodcrafts mula sa lalawigan ng Nueva Ecija na nailuluwas na iba’t ibang bahagi ng bansa. 

Para sa mga produktong “Galing Bataan”, pangunahin sa mga itinampok ang mga Upcycled Tire Slippers ng LDFER Bags and Slippers mula sa lungsod ng Balanga.

Hindi lamang ito komportable sa paa ng taong magsusuot, nakatulong pa sa pangangalaga ng kalikasan dahil recycled materials ang ginamit dito.

Bukod dito, gumagawa ang Khalimah Souvenirs mula sa bayan ng Abucay ng replika ng mga balangay na pwedeng maging home display.

Ang balangay ay sinaunang transportasyong pandagat ng ating mga ninuno na nagsisilbing simbulo ng sibilisasyong maritimo o maritime civilization ng mga isla ng Pilipinas.

Nasasalamin naman ang husay at galing ng mga kamay ng mga Tarlakenyo sa paggawa ng mga kasangkapang pambahay mula sa matitigas na uri ng kahoy.

Samantala, gumagawa ang Richver Wood Crafts Manufacturing ng mga home décor, furniture at iba pang kapakipakinabang na mga wood creations na kabilang sa mga produktong “Natural Tarlac”.

Nandyan din ang Wooden Wall Clock na gawa ng Say’ Earth Gift Shop ng Tarlac.

Maliban sa relo, mapapansin sa relo na ito ang malalim na ukit ng isang partikular na tema gaya halimbawa ng mga simbulo ng kapaskuhan.

Sa mga produktong “Siempre Aurora”, ang eleganteng mga Handbags na gawa ng Aura Enterprises ang ibinida sa nasabing trade fair.

Nagtutugma ang disenyo ng mga handbags na ito sa kung paano dapat dalahin o gamitin. Tinambalan pa ito ng Leaf Abaniko na likha ng Mene Crafts and Things.

Ang Pampanga naman na dati nang nakilala sa masasarap na luto at prinosesong pagkain, nag-aalok na ngayon ng Water Bonsai Hydroponics na ginamitan ng sining upang mabuhay ang halaman sa loob ng isang bahay habang napapanatili ang class na ganda nito.

Gawa ito ng Grann Garden Shop ng Porac, Pampanga na ngayo’y isa nang ganap na produktong “Love Pampanga” na bahagi na ng OTOP Next Generation Program ng DTI.

At panghuli, iba’t ibang laki ng mga bayong at sisidlan na gawa sa kawayan ang dala Candelaria Bamboo Planters Organization na isang halimbawa ng mga produktong “Zambales Finest”.

Kaugnay nito, binigyang diin ni DTI OIC-Regional Director Brigida Pili na ito na ang pinakamainam na pagkakataon para sa mga nasa Creative Industry na lalo pang maibuhos ang husay at galing dahil may tiyak nang pondong partikular na mailalaan dito sa bisa ng naturang batas.

Ipinahayag naman ni Kinatawan Christopher De Venecia ng Ikaapat na Distrito ng Pangasinan na kailangang sabayan ng maayos na pagpapatupad ng PCIDA ang malawakang cultural mapping.

Layunin nito na mas mahanap pa ang mga indibidwal, grupo at maging institusyon na nasa creative industry upang matiyak na makinabang sila sa mga proyekto at programa para sa mga malikhaing Pilipino. (CLJD/SFV-PIA 3)

Ipinagmamalaki ni Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon ang ilan sa mga micro, small and medium enterprises na nasa creative industry sa ginanap na ika-25 Likha ng Central Luzon Trade Fair sa SM Megamall. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch