Higit 37,000 indibwal ang tumanggap ng tulong mula sa DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa taong 2023. Ang mga larawan ay mula sa DSWD OccMdo. (VND/PIA OccMdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Umabot sa P156,495,000 ang kabuuang halaga ng tulong pinansyal na ipinagkaloob ng DSWD sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para sa taong 2023.
Ayon kay Social Welfare and Development (SWAD) Team Leader Shiela Sarabia, may 37,080 indibidwal ang nakinabang ng nasabing halaga, na tumanggap ng mula P1,000 hanggang P10,000 bawat isa batay sa kanilang pangangailangan.
Sinabi ni Sarabia na sa pamamagitan ng AICS, iba’t ibang uri ng tulong ang ipinagkakaloob ng kanilang tanggapan; kabilang dito ang tulong-medikal, food, funeral at transportation assistance.
“Nagbigay din kami ng educational assistance pero limitado ang pondo para dito,” saad ni Sarabia.
Sa 2023 AICS program, karaniwang malaki ang natanggap na halaga ng mga humingi ng medical assistance, dagdag ni Sarabia. Aniya, nagkaloob ang Kagawaran ng outright cash assistance na P10,000 kada benepisyaryo at may iba na maaaring mas malaki ang naibigay ng DSWD partikular sa mga kaso na pumapayag ang isang ospital na tumanggap ng guarantee letter.
“Syempre nakadepende ito sa assessment ng social worker at nakalaang pondo,” ayon pa kay Sarabia.
Bagama’t hinihintay pa ng DSWD Occidental Mindoro ang pagdating ng mga pondo para sa iba’t iba nilang programa para ngayong 2024, bukas ang kanilang tanggapan sa sinumang nais dumulog at maging benepisyaryo ng kanilang mga programa. Ang kanilang tanggapan ay matatagpuan sa Burgos Street sa bayang ito. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)