No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

6th Save the Bays at Kalinisan sa Bagong Pilipinas Program sabay na isinagawa sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Magkasabay na isinagawa ang ika-anim na episode ng Save the Puerto Princesa Bays at ang paglunsad ng Kalinisan sa Bagong Pilipinas Program noong Enero 6, 2024.

Ang Save the Puerto Princesa Bays ay programang ipinatutupad ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa samantalang ang Kalinisan sa Bagong Pilipinas Program ay sa pangunguna naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang layunin ay parehong maprotektahan at mapanatiling malinis ang kapaligiran.

Sa pagsasagawa ng nabanggit na mga programa ay nakapaghakot ng mahigit 109 na tonelada o katumbas ng 98,905 kilograms ng basura mula sa mga barangay ng Bagong Sikat (39,050 kilos); Bagong Silang (32,280 kilos); Pagkakaisa (15,735 kilos); Mandaragat (5,120 kilos); Irawan/Sandiwa, Tiniguiban (3,145 kilos); Tagburos, Aplaya (2,935) Sta. Lourdes, Honda Bay (545 kilos); at San Jose (95 kilos).

"Mahalaga sa atin na mapanatili ang kalinisan at masaya akong nakikitang mainit ang inyong suporta sa ating mga gawain sa paglilinis ng ating coastal areas. Lagi kong sinasabi na hindi kakayanin ito na Mayor lang ang gagawa nito kundi kailangan ng tulong at pagkakaisa ng bawat mamamayan, kaya salamat dahil nariyan kayo palagi," ang mensahe ni Mayor Lucilo R. Bayron sa mga nakiisa sa nasabing gawain.

Ang mga basurang nahakot sa isinagawang 6th Save the Puerto Princesa Bay at Kalinisas sa Bagong Pilipinas Program noong Enero 6, 2024. (LArawan mula sa Puerto Princesa City Information Office)

"Malaking porsiyento ng basurang napupunta sa karagtan ay galing sa Pilipinas kaya hamon sa ating lahat na maisalba at malinis ito. Swerte lang rin tayo sa Puerto Princesa dahil mayroong inisyatibo na ang ating alkalde para dito at nagiging consistent tayo sa ating hangarin na malinis ang dalampasigan," bahagi naman ng pahayag ni Eufracio Forones, Jr. ng DILG Puerto Princesa City.

Na 1,717 indibiduawal naman mula sa akademya, mga sundalo, mamamayan ng iba't ibang barangay, empleyado ng pamahalaan at pribadong organisasyon ang naitalang nakiisa sa programa. (OCJ/PIA MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch