Binisita ni DA Regional Executive Director Mary Grace Aquino (Ika-anim mula sa kaliwa) ang mga magsasaka ng gulay sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal sa Bambang, Nueva Vizcaya. Inilunsad ng DA dito ang Buying Rescue program upang tulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng mga KADIWA outlets sa lambak ng Cagayan. Photo Courtesy of DA Region 2
BAMBANG, Nueva Vizcaya ( PIA ) — Inilunsad kamakailan ng Department of Agriculture and Buying Rescue Program upang tulungan ang mga magsasaka sa Nueva Vizcaya na maibenta ang kanilang mga produkto at hindi ito masayang.
Ayon kay DA Regional Executive Director Mary Grace Aquino, ang BRP ay napagkasunduan ng kanilang ahensiya at ni Nueva Vizcaya Agricultural Terminal General Manager Gilbert Cumila dahil sa patuloy na pagdating ng mga maraming produkto ng mga magsasaka ng gulay sa NVAT gaya ng local cabbage, Chinese cabbage at sayote.
Ayon kay Aquino, gagamitin umano ng DA ang mga KADIWA outlets nito sa Cagayan Valley upang maipagbili ang mga gulay mula sa NVAT.
Inihahanda ng isang magsasaka ang kanyang mga prduktong repolyo upang maipagbili sa KADIWA outlets ng DA. Inilunsad kamakailan ng DA ang Buying Rescue Program upang matulungan ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Photo Courtesy of DA Region 2
Nagpahayag ng kagalakan si Aquino dahil mahigit 15,000 kilos na mga gulay na ang naibenta ng kanilang ahensiya sa loob lamang ng apat na araw matapos mailunsad ang BRP sa pamamagitan ng kanilang KADIWA outlets at mga kooperatiba ng kanilang mga kawani sa lambak ng Cagayan.
Dahil sa inisyal na tagumpay ng BRP, hinimok ni Aquino ang mga Local Government Units sa Cagayan Valley at mga grupo na nasa private sector na tumulong at makiisa sa BRP upang matulungan ang mga magsasaka sa NVAT.
Ayon pa kay Aquino, magsasagawa sila ng mga coordination meetings sa mga katuwang nilang LGUs at mga grupo sa pribadong sector upang sumali at tumulong sa kanilang BRP. (BME/PIA NVizcaya)