Nagpapasalamat ang BJMP San Jose sa pangunguna ni Chief Inspector Ariel Pabulayan (gitna) sa inisyatiba ng kapitolyo na mobile kusina/Larawan mula sa BJMP
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Aabot sa 223 na mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng San Jose District Jail ang unang nakinabang sa bagong Mobile Kusina (MK) ng lalawigan.
Ayon kay Jail Provincial Administrator Chief Inspector Ariel Pabulayan, ang mga PDL ay kabilang sa mga less-privileged at ang desisyon ni Governor Eduardo Gadiano na pakainin ang mga nasa piitan bilang unang proyekto ng MK ay pagpapakita ng malasakit ng pamahalaang lokal sa mga inmates.
Sinabi rin ni Pabulayan na ang mga kahalintulad na gawain ay alinsunod sa mandato ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na safekeeping at development.
Ipinaliwanag ni Pabulayan na ang safekeeping ay tumutukoy sa pangangalaga at pagtiyak ng BJMP na pansamantalang hindi makahalubilo ng komunidad ang mga PDL hangga’t wala pang desisyon ang korte para sa kanilang paglaya.
“Karamihan sa ating mga PDL ay mga detention prisoners, nangangahulugan na kasalukuyan pang dinidinig sa hukuman ang kanilang mga kaso,” saad ng opisyal.
Ang ikalawang mandato na development ay tumutukoy naman sa iba’t ibang programa ng BJMP para sa personal na pag-unlad ng bawat PDL habang ito ay nakadetine. Kabilang aniya dito ang mga aktibidad na may kaugnayan sa espiritwal na pangangailangan ng PDL, kabuhayan, edukasyon at iba pang programa na naglalayong maging kapaki-pakinabang na miyembro siya ng pamayanan sakaling muling makalaya. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)