(Tagalog translation)
Mga barangay LGUs, hinikayat na pondohan ang mga dev't projects sa pamamagitan ng FALGU
BAGUIO CITY (PIA) -- Hinihikayat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga barangay officials na mag-request ng pondo mula sa Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) para sa development projects sa kanilang barangay.
Ayon kay NTF-ELCAC Deputy Executive Director Monico Batle, malaking pagkakataon para sa mga pamahalaang lokal na humingi ng pondo mula sa FALGU na magagamit nila sa barangay development.
"We encourage everybody lalo na sa Cordillera, i-avail ninyo 'yung FALGU. Each barangay is authorized to avail P5M worth of barangay project," ani Batle sa pagpupulong ng task force nitong Martes, Enero 16.
Aniya, bawat barangay LGU ay maaaring makakuha ng P5 million na halaga ng proyekto, ang municipal LGU ay P10 million, ang city LGU ay P20 million, habang ang provincial LGU ay P30-million.
Ang pagsusumite ng request para sa financial assistance sa ilalim ng LGSF-FALGU ay sa pamamagitan ng Digital Requests Submission for LGSF (DRSL) na makikita sa Department of Budget and Management (DBM) Apps Portal. Kailangang isumite ng LGU applicant ang LGU User Registration Form sa DBM regional office para mabigyan sila ng access sa portal.
Lahat ng digital requests ng mga LGUs ay isasailalim sa evaluation ng DBM batay sa pangangailangan, patas na distribusyon ng proyekto sa mga LGUs, at/o sa fund availability.
Batay sa special provision para sa LGSF sa fiscal year 2024, ang mga proyektong maaaring ihingan ng pondo sa ilalim ng FALGU ay implementasyon ng agriculture-related programs and projects; suporta sa cotton and textile industry; at information and communications technology systems and infrastructure development.
Maaari rin ang konstruksyon, pagsemento, rehabilitasyon, pagpapaganda o pagpapalawak ng local roads o tulay, public market, multi-purpose building, water supply and sanitation projects, evacuation centers, at public cemeteries; pagbili ng kagamitan na susuporta sa evacuation and camp management operations; pagtatayo ng Materials and Recovery Facility; implementasyon ng mga programa, proyekto at aktibidad para sa disaster response, rehabilitation, and recovery; at adaptation and mitigation projects.
Maaari ring mabigyan ng pondo ang pagbili ng ambulansiya, trucks at multi-purpose vehicles; at ang pagtulong sa mga mahihirap na indibidual o pamilya partikular sa medical, burial, transportation, food assistance at educational assistance o scholarship.
Ayon kay Batle, makakatulong ito sa mga barangay lalo na at nabawasan ang pondo para sa Support to Barangay Development Program.
Sinabi naman nito na sinisikap nilang kausapin ang ibang ahensiya ng pamahalaan na magbigay ng karagdagang pondo para sa mga barangay development projects. (DEG-PIA CAR)