BATANGAS CITY (PIA)—Nasa 79-porsiyento na ng mga jeepney drivers and operators sa Rehiyon ng Calabarzon ang kabilang na sa consolidation na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Director Renwick Rutaquio sa naging panayam sa programang PIA Ngayon nitong Miyerkules, ika-17 ng Enero.
Ayon kay Rutaquio, mandato ng kanilang ahensya upang maisakatuparan ang PUVMP na i-monitor ang mga polisiya, batas at regulasyon kaugnay ng land transportation services.
“Ang ahensya ang mag-reregulate ng mga ruta sa kanya-kanyang rehiyon at ito din ang nagmo-monitor at nagpapatupad ng mga programa sa pag-eevaluate at approval ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) at pagsasaayos ng consolidation kaugnay ng PUVMP,” ani Rutaquio.
Ipinaliwanag din nito na layon ng PUVMP na magbigay ng komportableng pamumuhay sa mga Pilipino sa pamamagitan ng moderno, ligtas, pangangalaga sa kalikasan, maginhawang paglalakbay at pangmatagalang kabuhayan para sa mga driver at operator.
Ayon kay Rutaquio, ang unang hakbang sa PUVMP ay ang industry consolidation o ang pagsasama-sama ng mga individual operators upang bumuo ng transport cooperative o corporation para sa mas maayos na sistema ng pampublikong sasakyan.
Kapag kabilang na sa consolidation, susunod naman ang pagbili ng unit ng mga sasakyan na maaaring sa pamamagitan ng pag-loan sa Landbank at ito ay babayaran kada buwan sa loob ng pitong taon.
May mga accredited manufacturers naman ng mga modernized jeepneys na maaaring pagbatayan ng mga cooperatives o corporation sa pagpili ng uri ng modernized vehicles na may Certificate of Compliance at pasok sa Philippine National Standards.
Ayon kay Rutaquio, ang mga jeepney drivers at operators na hindi lumahok sa consolidation ay maituturing na kolorum matapos ang Enero 31,2024 na huling araw ng pagsasaayos at pagiging miyembro ng consolidation.
Ang mga ito ay maaaring magmulta ng halagang P50K hanggang P200k depende sa klasipikasyon kapag napatunayang lumabag. Ngunit mayroong tulong pangkabuhayan na ipagkakaloob ang pamahalaan para sa mga hindi lumahok sa consolidation sa pamamagitan ng mga tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE)at Technical Education Skills Development Authority(TESDA) na magbibigay ng mga pagsasanay tungkol sa entrepreneurship.
Sa kabuuan may 425 lamang na ruta para sa PUJ at 24 na ruta para UV Express ang nakapag-consolidate.
Sa huli ay nanawagan si Rutaquio na suportahan at tangkilikin ang modernization program ng pamahalaan dahil napapanahon na mapalitan ang mga lumang sasakyan upang masiguro ang kaligtasan sa pagbiyahe gayundin ang pagsusulong na makatulong sa problema na dulot ng climate change bunsod ng mga polusyon. (BPDC, PIA Batangas)