MOGPOG, Marinduque (PIA) -- Humigit 1,500 na mga residente sa bayan ng Mogpog ang nakinabang sa libreng bakuna na ipinagkaloob ng Department of Health (DOH), kamakailan.
Sa pamamagitan ng Mogpog Rural Health Unit (RHU) ay libreng naturukan ng antiflu at anti pneumonia vaccine ang mga mamamayan kung saan karaniwan sa mga nabakunahan ay mga senior citizen.
Ayon kay Irben Roy N. Cantara, registered nurse sa Mogpog RHU nasa 1,252 ang bilang ng mga lolo at lola habang 182 ang mga frontiner na kanilang nabakunahan laban sa trangkaso. May kabuuang 70 naman ang mga indibdwal na nakinabang ng bakuna laban sa pulmonya.
"Napakahalaga po na mabakunahan kontra flu at pneumonia ang ating mga kababayan lalong lalo na ang mga senior citizen para hindi sila basta-basta dapuan ng mga bakterya o virus na nagdudulot ng pagkakaroon ng ubo, sipon at kung minsan ay humahantong sa sakit na pulmonya," pahayag ni Cantara.
Iniulat din ng Kagawaran ng Kalusugan na ang antiflu at anti pneumonia vaccine ay makatutulong para makaiwas ang isang pasyente sa karagdagang kumplikasyon, sakaling dapuan ng COVID-19. (RAMJR/PIA Mimaropa - Marinduque)