LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Umabot sa higit P2 milyong ang kitang naitala ng Laoac Dairy Farm noong 2023.
Ayon kay Farm Manger Nicanor Rovillos umaabot sa 7.5 litro ng gatas ang arawang nakukuha bawat isa mula sa kabuuang 40 alagang baka at dalawang litro ng gatas naman bawat isa mula sa 32 alagang kalabaw.
Dagdag ni Rovillos, ang nasabing farm ay may lawak na 3.7 ektarya at nagpapatayo ng karagdagang 2.1 ektarya Buffalo Barn sa Barangay Botigue na maging breeding na kung saan ililipat ang mga karagdagang hayop na target na matapos sa loob ng taon.
Aniya ang mga kalabaw ay binili ng pamahalaang panlalawigan mula sa iba't ibang mga supplier habang ang mga baka, na dumating na buntis na, ay pinautang ng National Dairy Administration (NDA) noong Setyembre 2023.
Ang proyektong ito ay inaasahang magbubunga ng positibong epekto na makikinabang sa mga tao sa usapin ng kabuhayan at mga oportunidad sa trabaho.
Bukod dito, ang Laoac Dairy Farm ay nagbibigay ng kabuhayan sa nasa 28 empleyado nito.
Sa nakaraang panayam, sinabi ni Gobernador Ramon Guico III na nagbigay ng teknikal na tulong ang NDA sa pagpapatakbo sa naturang dairy farm.
Dagdag pa niya, “Bukod sa sariwa at pasteurized na gatas, tinitingnan din ng pamahalaang panlalawigan ang paggawa ng ice cream, yogurt, at keso.”
Nais ng mga opisyal ng probinsiya na gawing paaralan ang bukid na magbibigay ng pagsasanay sa mga manggagawa at magbubukas ng mga pagkakataon para makapagtrabaho sila sa ibang bansa.
Ang Laoac Dairy Farm na mula Barangay Maraboc, Laoac Pangasinan ay pinamumunuan ng pamahalaang panlalawigan. (JCR/MJTAB/RPM/PIA Pangasinan)