(Tagalog translation)
DENR-CAR, nanawagan ng pakikiisa ng lahat ng stakeholders upang mapigilan ang forest land conversion
BAGUIO CITY (PIA) -- Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources-Cordillera (DENR-CAR) sa lahat ng kinauukulang stakeholders na makipagtulungan sa ahensiya upang mapigilan ang forest land conversion.
Ayon kay DENR-CAR Regional Strategic Communication and Initiatives Group Head Elizabeth Antolin, pangunahing hamon ngayon ang pag-convert ng ilang indibidual sa mga kagubatan bilang garden.
Inihayag nito na bagama't ito ay sanhi ng economic needs, hindi dapat masira ang mga kagubatan.
"Environment is life. That also helps in the sustainability of our environment, at least 50% sana ng ecological balance, may 50% na forest cover," ani Antolin.
Binanggit ng opisyal na batay sa mga natatanggap nilang report, ang lalawigan ng Benguet ang nakapagtala ng maraming kaso ng forest land conversion.
Sinabi ni Antolin na nakikipagtulungan sila sa mga kinauukulang pamahalaang lokal upang matigil ang forest conversion.
"We really need collaboration, to work together. Hand and hand sana, economic at environment, bantayan natin."
Aniya, marami na ring mga napatawan ng parusa at may mga dinidinig pa na kaso kaugnay sa forest land conversion.
Batay sa Presidential Decree 705 o ang Forestry Reform Code of the Philippines, ipinagbabawal ang pag-okupa sa forest land. Hindi rin pinapayagan ang pagpasok at cultivation activities sa loob ng forest lands na walang lease o permit.
Ang pag-okupa o pagsira ng forest lands ay may katumbas na parusa. (DEG-PIA CAR)