LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Isang malaking tagumpay para sa mga rebolusyonaryong Pilipino na maitatag ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya.
Iyan ang binigyang diin ni National Historical Commission of the Philippines Chairperson Emmanuel Franco Calairo sa pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.
Nagbunsod aniya ito upang matamo ng mga Pilipino ang isang kalalagayan mula sa pagiging nag-aalsa laban sa dayuhang namumuno, tungo sa pagiging tagapamahala na ng sariling lupang tinibuan.
Pinasinayaan sa loob ng simbahan ng Barasoain ang Unang Republika ng Pilipinas noong Enero 23, 1899 sa bisa ng Saligang Batas ng 1899.
Pinagtibay ito ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos sa kanilang sesyon sa naturang simbahan noong Enero 21, 1899.
Nagsilbing haligi at saligan ng Unang Republika ang Saligang Batas ng 1899 na naglalaman ng Bill of Rights. Kinapapalooban ito karapatang makaboto o maiboto, makapagpahayag ng saloobin, makapag-aral, makapagmay-ari ng lupa at iba pang karapatang sibil na tinatamo hanggang ngayon ng karaniwang Pilipino.
Kasabay nito, naitatag din ang pangunahing mga ahensiya ng pamahalaan na naghimpil sa Malolos sa panahon na nandoon pa ang kabisera ng Unang Republika.
Kabilang na riyan ang Departamento de Guerra na ngayo’y Department of Public Works and Highways at Department of Transportation; Departamento de Exterior na pinagmulan ng Department of Foreign Affairs; Departamento de Interior na kilala ngayon bilang Department of the Interior and Local Government; Departamento de Fomento na pinagsama-samang mga ahensiya na kilala sa kasalukuyan bilang Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry; at Departamento de Agraryo na ngayo’y Department of Agrarian Reform.
Sa panahon din ng pagkakatatag sa Republika, nabuo ang pagkakaroon ng tatlong sangay ng pamahalaan gaya ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura na umiiral hanggang sa kasalukuyan.
Sa puntong ito, hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na ialay sa republika ang isang maginhawang Bagong Pilipinas upang mas maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat mamamayan.
Inilatag din ng pangulo ang katangian ng isang Bagong Pilipinas na mayroong mas matibay na demokrasya, masiglang ekonomiya, seguridad sa hinaharap at matatag na bansa.
Kinilala naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na dahil sa pagkakatatag ng Unang Republika, nagbigay ito ng kakayahan sa mga Pilipino upang matutong gumawa ng desisyon para tumayo sa sariling paa. Gayundin ang pagkaroon ng kakayahan kung papaano mamahala sa isang pamahalaan.
Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang pagdiriwang ay tungkol sa narating at nais pang maabot ng demokrasya, pamahalaan at ng republika.
Kaya makatwiran aniya na isalalay ang kapakanan ng karaniwang mga Pilipino sa mga konsiderasyon kapag babaguhin ang kasalukuyang Saligang Batas ng bansa. (CLJD/SFV-PIA 3)