LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Sumailalim ang nasa 217 miyembro ng Sustainable Livelihood Program (SLP) associations sa Micro-Enterprise Development Training (MEDT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa.
Ang mga kalahok ay mula sa mga barangay ng Ilag, Bigaan, at Poblacion na kabilang sa 23 SLP associations na mabibigyan ng kabuaang halaga na P2.7 million livelihood assistance na kanilang magagamit sa pagsisimula ng pagpapa-unlad ng kanilang mga ninanais na kabuhayan.
Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng DSWD para sa mahihirap, mahihina at marginalized sectors at komunidad upang makatulong na mapabuti ang kanilang mga kondisyon sa pamamagitan ng pag-access at pagkuha ng mga kinakailangang asset para makisali at mapanatili ang maunlad na kabuhayan ng mga ito.
Ang layunin ng pagsasanay ay upang mapatatag ang pundasyon ng kaalaman ng mga miyembro hinggil sa pagnenegosyo at mabigyan ng tamang kapasidad upang magamit ng wasto ang matatanggap na tulong pangkabuhayan mula sa DSWD.
Pinangasiwaan ng mga SLP project development officers na sina Katrina Zara Pedro, Ruelson Caiga, Ervin Jeff Labao, at Necy Villanueva ang naturang aktibidad. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)
*Mga larawan sa itaas mula sa DSWD MIMAROPA