LUNGSOD NG VIGAN, Probinsya ng Ilocos Sur (PIA) - - Tumanggap ng tulong pinansyal ang mga magsasaka sa siyudad ng Vigan na nagkakahalaga ng P5,000 mula sa Department of Agriculture (DA) nitong Enero 19.
Ito ay sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program kung saan natulungan ang aabot sa 495 magsasaka rito na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Layon ng programang ito na matulungan ang mga magsasaka na mayroong dalawang ektarya pababa na mapataas ang kanilang produksyon sa gitna ng kinakaharap na El Niño.
May 101 magsasaka at mangingisda naman ang nakatanggap ng indemnity check na may kabuuang halaga P638,000.
Samantala, ibinigay din ang limang hand tractor unit mula sa provincial government, at iba't ibang farm inputs mula sa city government na may kabuuang halaga na higit P700,000 sa mga 22 tobacco farmers sa siyudad.



Maliban sa mga ito, laking tuwa naman ng mga magsasaka sa ipinakita ng city agriculture office na bagong four-wheel tractor with front dozer at four-wheel tractor with loader ng city government na maaari nilang hiramin at gamitin sa pagsasaka.
Isa sa mga nakatanggap ng tulong pinansyal si Felipe Albiller, Federated President ng Farmers Association sa siyudad.
“Maganda ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at lahat ng Pilipino. Laking pasasalamat namin dahil nakikita nila ang kahalagahan ng mga magsasaka. Sa DA, provincial at city government, maraming salamat dahil palagi kayong andiyan upang magbigay ng mga kailangan namin sa pagsasaka,” ani Albiller.
Ito na ang pangatlong beses na siya’y nakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng RFFA.
Dahil sa hagupit ng iba't ibang bagyo nitong 2023, natabunan daw ang kaniyang lupa ng mga buhangin dulot ng pagragasa ng tubig mula sa Abra River na malapit sa kanilang barangay.
Aniya, malaking tulong ang mga makinarya sa paglilinis at pagtanggal sa mga buhangin upang sila’y makapagsaka ulit. (JCR/MJTAB/JMCQ, PIA Ilocos Sur)