No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Linapacan sa Palawan magiging 3rd class municipality na

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Maaari nang maging 3rd class municipality ang bayan ng Linapacan ngayong taong 2024 matapos na makuha nito ang kinakailangang average annual income na P130 million.

“Nakuha na ng Linapacan ang required na P130,000,000 average annual income sa nakalipas na tatlong magkakasunod na taon. Dahil dito, maaari na itong ma-reclassify mula sa pagiging 5th class municipality patungong 3rd class category epektibo sa taong ito ng 2024 alinsunod sa provision ng RA 11964,” pahayag ni Linapacan Mayor Emil T. Neri.

Nilagdaan na rin ni Neri ang ipinasang resolusyon ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Linapacan na humihiling sa Department of Finance na mag-isyu na ng department order tungkol dito.

Sabi pa ni Neri na nakasaad sa RA 11964 na magiging automatic ang income classification ng mga LGU sa buong Pilipinas kapag nakuha na ang itinalagang average annual income ng isang munisipyo.

Marami aniyang benepisyo na darating para sa mga taga-Linapacan sa sandaling maging 3rd class municipality na ito na makakatulong upang mas mapabilis ang mga development projects na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon na pakikinabangan ng mga mamamayan.

"Isa itong senyales na tuloy-tuloy na at di na mapipigilan ang pag-asenso ng Linapacan," dagdag na pahayag ni Neri.

Ipinapakita ni Linapacan Mayor Emil T. Neri (nasa gitna) ang aprubadong resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Linapacan na humihiling sa Department of Finance (DOF) na mag-isyu na ng Department Order kaugnay ng reclassification ng Linapacan mula sa 5th class municipality patungong 3rd class municipality. (Larawa mula kay Mayor Emil T. Neri)

Ang Linapacan ay isa sa mga islang munisipyo sa Palawan na may total land area na 195.44 square kilometer kung saan ito ay nasa 1.33% lamang ng total lang area ng Palawan.

Mayroon itong populasyon na 16,424 ayon sa 2020 census of population ng Philippine Statistics Authority.

Binubuo ito ng sampung barangay na kinabibilangan ng Barangonan, Cabunlawan, Calibangbangan, Decabaitot, Maroyogroyog, Nangalao, New Calaylayan, Pical, San Miguel, at San Nicolas. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch