BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) -- Dahil sa tuloy-tuloy na pagkawala ng aktibidad ang communist terrorist group sa lalawigan sa halos tatlong dekada, idineklara na ng Armed Force of the Philippines (AFP) ang probinsiya ng Nueva Vizcaya bilang isang insurgency-free province.
Ang deklarasyon at pagkilala ay malugod na tinanggap ni Governor Jose Gambito sa isang Flag Raising program sa provincial capitol sa bayan ng Bayombong na dinaluhan ng mga opisyal ng AFP, Philippine National Police, National Intelligence Coordinating Agency, Department of the Interior and Local Government, mga kawani ng National Government Agencies at Provincial Local Government Unit, kasama ang mga grupong katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan, katahimikan at kaayusan sa lalawigan.
Ayon kay Governor Gambito, isa itong napakahalagang estado na narating ng lalawigan na pangalawang naideklara bilang insurgency-free, kasunod sa probinsiya ng Quirino sa lambak ng Cagayan.
Dagdag nito na mas dadami ang mga investor, turistang bibisita at mga proyektong isasagawa ng pamahalaan dahil wala nang kinakatakutang grupo ng mga communist-terrorist sa Nueva Vizcaya, lalo na sa mga kabundukan at liblib na komunidad sa lalawigan.
Tinanggap ni Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito (nasa kanan) ang plakeng naglalaman ng opisyal na deklarasyon ng lalawigan bilang isang Insurgency-Free Province. Nakamit ito ng lalawigan dahil sa patuloy na katahimikan at kaayusang tinatamasa ng mga Novo Vizcayanos at hindi na banta sa segiridad nito ang communist-terrorist groups. Image by PIA
Pinuri din ni Governor Gambito ang mga kawani ng AFP, PNP at mga ibang ahensiya ng pamahalaan dahil sa kanilang tulong at suporta upang makamit ng lalawigan ang estado nito bilang insurgency-free province.
Ayon sa Gubernador, nakamit ng lalawigan ang nasabing estado dahil sa patuloy na suporta at kooperasyon ng mga Novo Vizcayanos sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Governor Gambito na napakalaking halaga ng salapi o pondo ang nasayang ng pamahalaan dahil sa kampanya nito laban sa komunismo sa bansa na dapat sana ay nagamit para sa pag-unlad ng bansa at mga mamamayan.
Umaasa si Governor Gambito na mapapanatili ng lalawigan ang nakamit nitong estado bilang insurgency-free province sa tulong, suporta at kooperasyon ng mga mamamayan at mga sangay ng pamahalaang nasyonal at local sa Nueva Vizcaya. (OTB/BME/PIA NVizcaya)