LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Sinisiguro ng Pag-IBIG Fund ang mas pinalawak na benepisyo para sa mga miyembro.
Ito ay mula sa ipatutupad na karagdagang hulog na magbibigay ng mas mataas na kita sa dibidendo o ang makukuhang interes mula sa ipon kada taon.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, maraming benepisyo ang matatanggap ng miyembro mula sa pagdaragdag ng kontribusyon.
Aniya, sa dagdag na buwanang hulog ng mga miyembro ay dodoble ang kanilang buwanang ipon sa Pag-IBIG Regular Savings.
Kung mataas ang ipon ay tataas din ang maaaring mahiram na halaga mula sa Multi-Purpose Loan o Calamity Loan program ng tanggapan.
Tiniyak rin ni Pasaraba na mapapanatiling mababa ang interes sa mga nabanggit na loan program dahil masisigurong mayroong pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro na nakikinabang sa mga nabanggit na programa.
Pinangunahan ni Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba ang pagpupulong kasama ang mga Employer Representatives at Fund Coordinators sa lalawigan ng Nueva Ecija para talakayin ang mga benepisyo para sa mga miyembro. (Pag-IBIG Fund Cabanatuan)