PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Umabot sa mahigit P1 bilyon ang nakolekta ng pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa mula sa mga buwis at iba pang mga bayarin sa taong 2023.
Ayon sa City Information Office (CIO) ng pamahalaang panlungsod ang nasabing koleksiyon ay mula sa real property tax, business Tax, fees and charges, at economic enterprises.
Ayon sa consolidated report na ipinasa ni city treasurer Jerome M. Padrones kay Mayor Lucilo R. Bayron kumita ang lokal na gobyerno ng P313,362,536.04 mula sa real property tax kung saan mas mataas ito ng 14% mula sa target na P275,000.000 noong 2022.
Nakapagkolekta din ng P480,282,512.51 ang pamahalaang panlungsod mula sa business tax na mas mataas din ng 18% sa ninanais na makolektang P405,600.000.
Mula naman sa fees and charges, umabot sa P160,475,257.15 ang nakolekta ng lungsod na mas mataas ng 20% mula sa itinakdang koleksiyon na P133,250,000.
Samantalang sa mga economic enterprises ay may kabuuang halaga na P158,094,997.91 ang nakolekta na halos 96% na mas mataas sa nilalayong koleksyion na P80,750,000.
Ayon kay Padrones ilan sa mga dahilan ng mataas na koleksiyon ng lungsod ay dahil nakikita at nadarama ng mamamayan kung saan napupunta ang mga buwis na ibinabayad ng mga ito.
Malaki rin aniya ang nagawa ng auction sale para maitaas ang koleksyon mula sa mga ari-ariang di-natitinag. Nakadagdag din ang pagkakaroon ng mga online transactions ng business at building permits.
Malaki rin ang nagawa na bukas na ang industriya ng komersiyo at turismo na malaki ang ambag sa fees and charges collection, maging ang mga negosyo ng syudad tulad ng palengke, baywalk stalls, land transportation terminal at fishports ay malaki ang naibibigay na koleksiyon mula sa arkabala at rentang binabayad dito.
Inaasahan naman ng pamahalaang panlungsod na mapapanatili ang pagtaas ng kita ng lungsod ngayong 2024 upang marami pang naipatayong proyekto tulad ng mga public markets sa mga sentrong barangay, pagsemento ng mga kalsada, paglalagay ng street lights at ibang pang proyektong pang-imprastruktura. (OCJ/PIA-MIMAROPA - Palawan)