
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Malaking kapakinabangan sa mga residente ng Barangay Dao sa Naujan ang mga halamang tubig na water lily dahil napapakinabangan nila ang mga ito sa hanapbuhay at isa na rin atraksiyon sa mga turista ang Dao Water Lily Mini Park.
Sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro, natuto ang mga residente na kasapi ng Dao Water Lily Association kung paano gawing magagandang handicrafts ang water lily na dati ay problema sapagkat nakakaabala ang mga ito sa mga bangkang dumadaan sa ilog lalo kapag ito ay marami na siya din nagiging sanhi ng pagbaha sa nasabing bayan.
Nagkaisa ang DTI Negosyo Center at lokal na pamahalaan upang tulungan ang nasabing samahan na paunlarin ang negosyo at mapalawig pa ang produksiyon na gamit ang water lily katulad ng bag, basket, pitaka, sandalyas, tsinelas, sombrero, at marami pang iba.
Tinulungan din ng DTI na maipakilala ito sa merkado at pagsali sa mga trade fairs sa loob at labas ng lalawigan.
Samantala, ipinagmamalaki na rin ang lugar dahil isa na itong destinasyong panturista, ang Water Lily Mini Park kung saan hindi lamang patok ang kanilang mga produkto, gayundin ang magandang tanawin, masasarap na pagkain, at komportableng pahingahan.
Ang water lily ay kabilang sa mga halamang namumulaklak na may siyantipikong pangalan na Nymphaeaceae at nabubuhay bilang rhizomatous aquatic herbs sa mga tropikong bansa sa buong mundo at mayroong 70 kilalang uri. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)