No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Maynilad magsasaayos ng sistema ng patubig sa Boac

BOAC, Marinduque (PIA) -- Pormal nang isinagawa ang makasaysayang ceremonial turn-over ng Boac Waterworks System sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng Amayi Water Solutions Inc./Maynilad nitong Martes, Enero 23.

Umabot ng limang taon bago tuluyang opisyal na mailipat sa pangangasiwa ng Maynilad ang pagpapatakbo at pangangalaga sa serbisyo ng patubig ng pamahalaang bayan.

Pebrero 2019 nang lagdaan ng noon ay punong bayan na si Roberto Madla at kinatawan ng Maynilad ang Concession Agreement dahil sa ilang mga usapin upang maantala ang implementasyon nito.

"Umabot po ng limang taon bago tayo tuluyang dumating sa puntong ito kung saan ay pormal ninyong ipinagkaloob sa amin ang pamamahala ng Boac Waterworks System... totoo po ang kasabihan na pagkahaba-haba man ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy," pahayag ni Randy Estrellado, chief operating officer ng Maynilad Water Services, Inc.

Ipinaliwanag naman ni Janice Malundas, general manager ng Maynilad Boac Branch na taong 1930 pa ng itatag ang Boac Waterworks System na mayroon lamang asset na isang mini dam, pitong spring intake boxes, anim na deep wells and pump stations at dalawang concrete ground reservoir na nakapaghahatid lamang ng higit 19 na oras ng tulo ng tubig sa 2,097 na kabahayan na konektado sa naturang patubig ng bayan.

Aniya, dahil sa naturang public-private partnership (PPP) ay inaasahang magiging 24 oras na ang suplay ng tubig na maiibigay sa mga residente ng 30 barangay sa Boac sa susunod na tatlong taon.

Sa unang taon ay isasaayos ang suplay ng tubig sa mga barangay na sakop ng Zone 1 (Daig, Tampus, Mataas na Bayan, Isok 1, Isok 2, Mansiwat, San Miguel, Mercado, Murallon, Malusak, Santol, Bangbangalon, Laylay at Ihatub) habang sa darating na tatlong taon ay maglalatag ng mga bagong tubo sa Zone 2 (Balaring, Caganhao, Amoingon, Bunganay at Cawit) at Zone 3 (Balogo, Bantad, Buliasnin, Lupac, Maligaya, Pili, Poras, Tabi, Tabigue at Tanza) hanggang sa umabot sa Zone 5 na sakop ang Barangay Tumapon.

Dagdag pa ni Malundas, mula sa 9,000 residente ay tinatayang magiging 43,500 na indibidwal ang makikinabang sa pagsasaayos ng Boac Waterworks System dahil nakatakdang ilatag ang 78 kilometro ng linya ng tubig sa unang tatlong taon ng proyekto hanggang sa makumpleto ang sistema ng patubig sa kabuuang 41 barangay na kasama sa concession agreement.

Ibinahagi rin ng pamunuan ng Maynilad na magdadagdag sila ng walong water reservoir na kayang makapagbigay ng suplay ng tubig hanggang taong 2048.

Magbabayad din ang Maynilad sa Boac LGU ng surety o performance bond ng halagang P6,552,732.35 bukod pa sa concession fee na P500,000 kada taon at madaragdagan ng P250,000 sa susunod na tatlong taon.

"Sa susunod na 25 taon, kami po sa Maynilad Boac ang maglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon, expansion, operation at maintenance ng water supply system dito sa ating munisipalidad," pahayag ni Malundas.

Mananatili sa P20 kada kubiko ang tariffa ng tubig sa loob ng apat na taon pero tataas ang presyo nito pagkalipas ng limang taon alinsunod sa ipapataw na halaga at regulasyong mapagkakasunduan ng lokal na pamahalaan.

Nagsaad naman ng pasasalamat ng mga opisyal ng Boac LGU sa pangunguna ni Mayor Armi Carrion dahil natupad na ang paglilipat ng Boac Waterworks System sa Maynilad Water Solutions, Inc.

"Ang napakahalagang hakbang na ito ay nagsisiguro na ang serbisyo ng tubig dito sa ating bayan ay magiging sapat, dekalidad at malinis. Isa itong magandang pagkakataon para sa mas mahusay na koordinasyon at pagtutulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor para sa kapakanan ng ating mga mamamayan. Nagpapasalamat ako sa Maynilad sa kanilang pagtanggap sa responsibilidad na ito," wika ng alkalde.

Samantala, ngayon pa lamang ay humihingi na ng paumanhin ang pamunuuan ng Maynilad sa abalang idudulot sa publiko sakaling mag-umpisa na ang pagpapalit at paglalatag ng mga bagong tubo ng tubig sa mga nabanggit na barangay subalit tiniyak ng ahensya na dadaloy rin ang ginhawa sa mga mamamayan makalipas ang rehabilitasyon ng Boac Waterworks System. (RAMJR/PIA Mimaropa - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch