(Tagalog translation)
Mga LGU, hinihikayat na maglaan ng lugar bilang residual containment area
BAGUIO CITY (PIA) -- Hinihikayat ng Environmental Management Bureau-Cordillera (EMB-CAR) ang mga local government units (LGUs) na hindi pa nakapagtatag ng Engineered Sanitary Landfill (ESL) na maglaan ng lugar para sa residual containment area (RCA).
Paliwanag ni EMB-CAR Senior Environmental Management Specialist Mark Anthony Solano, sa RCA temporaryong iipunin ang mga basura.
"Kung mapupuno ay dadalhin ang mga basura sa sanitary landfill. 'Yun ang ginagawa ng ibang munisipyo," si Solano.
Aminado ito na bukod sa pondo, nananatiling hamon ang pag-identify ng lugar kung saan itatayo ang ESL lalo na sa terrain dito sa rehiyon at ang presensiya ng mga water sources.
Ipinaliwanag ni Solano na kung may malapit na water source sa kinilalang site ay hindi ito maaaprubahan. Dagdag pa niya, ang maibibigay ng EMB ay technical assistance sa pagtatayo ng ESL gaya ng pagbibigay ng ideya, disenyo, costing, at iba pa.
Karamihan sa mga LGUs dito sa rehiyon ay nag-commit na magtatayo ng ESL batay sa kanilang 10-year Solid Waste Management Plan, ayon kay Solano.
"Karamihan sa mga LGUs ay 'yun ang kanilang commitment [magtayo ng ESL]. Depende sa kanilang waste generation, i-determine nila kung gaano kalaki ang sanitary landfill."
Sa ngayon ay siyam ang LGU-operated ESL dito sa rehiyon kabilang ang tatlo sa Apayao, tigdadalawa sa Ifugao at Kalinga, at tig-isa sa Benguet at Mountain Province. Kasalukuyan naman ang konstruksyon ng lima pang ESL kabilang ang dalawa sa Abra at tig-isa sa Apayao, Ifugao, at Mountain Province. (DEG-PIA CAR)