LUNGSOD NG DAGUPAN, Jan. 31 (PIA) – Magsasagawa ng mobile outreach program ang Professional Regulation Commission (PRC)-Regional Office 1 sa bayan ng Lingayen upang ilapit ang kanilang serbisyo sa mga residente sa western Pangasinan.
Ayon kay PRC Ilocos regional director Arl Ruth Sacay-Sabelo, ang mobile outreach ay isasagawa sa ganap na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa Pangasinan PESO Compound sa bayan Lingayen sa Pebrero 8.
Ani Sabelo, ang mga kliyente na nais makapag-avail ng mga serbisyo sa nasabing araw ay pinapayuhang magparehistro online sa pamamagitan ng link na ito: https://online.prc.gov.ph/ para makakuha ng appointment bago tumuloy sa nasabing mobile service venue.
Dagdag niya “ang mga hindi nakapagrehistro online at hindi nakakuha ng appointment slot ay hindi makakapag-avail ng mga serbisyo sa nasabing aktibidad.”
Aniya kabilang sa mga serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga makikilahok sa aktibidad ay ang mga sumusunod: aplikasyon para sa licensure examinations, initial registration, renewal at duplication ng professional identification card, petition para sa pagpapalit ng status, pagsasaayos ng pangalan o araw ng kapanganakan, sertipikasyon, at authentication ng PRC documents, gayundin ang state board verification.
Para sa mga katanungan at karagdagang paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan ang mga kliyente sa PRC Region 1 sa numerong 0906-568-6215 o (075) 649-3798 o sa pamamagitan ng email sa ro1@prc.gov.ph o ro1.fad@prc.gov.ph. (JCR/MJTAB/PIA Pangasinan)