BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) -- Tumanggap ng tulong pinansiyal ang 99 na katutubong college students sa lalawigan mula sa Commission on Higher Education.
Tinanggap ng bawat isang estudyante ang P25,000 sa ilalim ng Student Monetary Assistance for Recovery and Transition Program ng CHED sa isinagawang payout kamakailan sa Convention Center sa bayang ito na pinangunahan nina Joven Jacinto, CHED SMART Program focal person for Cagayan Valley, Governor Jose Gambito at Board Members Patricio Dumlao, Jr. at Sammy Balinhawang.
Ang mga beneficiaries ay mga mag-aaral ng iba't-ibang campus ng Nueva Vizcaya State University, St. Mary’s University, Kings College of the Philippines, PLT College at Aldersgate College.
Tumanggap ng tulong pinsnssiyal ang mga katutubong mag-aaral sa Nueva Vizcaya mula sa CHED. Ang tulong ay mula sa Student Monetary Assistance for Recovery and Transition Program PIA Image
Ayon kay Kevin Relojo, 21 anyos na tubong Bayombong at nag-aaral sa Ifugao State University, ang tulong pinansiyal ay malaking bagay sa kanyang pag-aaral lalo na ngayong nangangailangan siya ng uniporme para sa kanyang internship sa kursong Bachelor of Science in Criminology.
Ayon naman kay Joven Jacinto, CHED SMART Program focal person, layunin ng programa na matulungan ang mga estudyante sa kolehiyo na malagpasan ang epekto ng COVID-19 Pandemic at makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa ni Jacinto na prayoridad ng SMART Program ang mga katutubong mag-aaral sa lambak ng Cagayan, particular sa Nueva Vizcaya.
Ayon sa kanya, 73 na mag-aaral sa kolehiyo din ang nabigyan ng nasabing tulong sa Cauayan City Isabela at mga college students sa ilang distrito sa lalawigan ng Cagayan. (OTB/BME/PIA Nvizcaya)