No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DPWH, natapos na ang rehabilitasyon ng kalsada sa Santa Cruz, Marinduque

SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) -- Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos ng kalsada sa Barangay Tarug hanggang Barangay San Isidro sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.

Base sa ulat ng DPWH-Marinduque District Engineering Office (DEO), ang nasabing kalsada ay may habang 1,000 linear meter kung saan ito ay sinimentuhan at nilagyan ng kaukulang kanal para magsilbing daluyan ng tubig ulan.

Naglagay rin ng stone masonry at slope protection sa ilang bahagi ng kalsada na may mga bangin upang maiwasan ang pagguho ng lupa sakaling dumating ang malakas na buhos ng ulan.

Ayon kay Assistant District Engineer-Sagosara D. Capal, caretaker ng DPWH Marinduque, pinahuhusay ng proyekto ang koneksyon sa transportasyon ng iba't ibang barangay na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at pagsasama-sama ng lipunan.

Dagdag ni Capal, dahil sa pagsasaayos ng mga kalsada sa nasabing mga barangay ay magigiging mas madali para sa mga residente ang paghahatid ng mga produktong lokal sa pamilihang bayan.

Magbubukas din aniya ito ng oportunidad na madiskubre ang mga natatagong pangturismong yaman ng barangay lalo pa at sa Brgy. San Isidro matatagpuan ang Bagumbungan Cave na isa sa mga ipinagmamalaking kweba ng probinsya.

Ang proyekto ay pinondohan ng ahensya nang halagang P18.3 milyon sa ilalim ng General Appropriations Act of 2022 kung saan ang nagsilbing kontraktor nito ay ang Jedidiah Construction. (RAMJR/PIA Mimaropa - Marinduque)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch