CALAPAN CITY (PIA) -- Naitala ang kabuuang bilang na 5,248 ang nakapagparehistro online at walk-in sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) o sa mga Negosyo Centers sa buong lalawigan ng business name registration noong 2023.
Sa nasabing bilang, marami ang naitala sa larangan ng pangangalakal na mayroong 2,827 o 54 porsiyento, habang sa larangan ng serbisyo ay 2,122 o 40 porsiyento at sa pagmamanupaktura o industriya ay 299 o 6 porsiyento lamang.
Naginspeksiyon naman ang Provincial Monitoring and Enforcement Team (PMET) ng DTI sa Oriental Mindoro ng ilang mga produkto sa mga establisyimento sa lungsod upang masiguro na ligtas at dekalidad ang mga produktong nabibili sa merkado.
Sinabi ni DTI provincial director Arnel Hutalla, ininspeksyon ng ahensya ang mga tindahang nagbebenta ng mga household appliances, consumer electronics, lighting at wiring devices, steel products, plastic pipes at produktong seramiko, semento at iba pang gamit sa konstruksiyon, produktong kemikal, produktong may kaugnayan sa mga sasakyan at iba pang produkto na kailangan ng sertipikasyon.
Maliban dito ay ininspeksiyon din ang mga kabilang sa Fair Trade Law gaya ng; price tag, labeling, service at repair enterprises accreditation, tobacco act at vape law.
Walang namang establisyimento ang nakitaan ng paglabag sa nasabing isinagawang inspeksyon.
Patuloy pa rin ang paalala ng DTI sa mga konsyumer na hanapin ang Philippine Standard (PS) mark o ang Import Commodity Clearance (ICC) sticker upang makatiyak na ito ay nakapasa sa pagsusuri ng Bureau of Philippine Standards.