LUNGSOD NG CALAPAN (PIA) -- Ipinamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa ang social pension para sa mga indigent o mahihirap na senior citizens ng rehiyon partikular sa mga lolo at lola sa bayan ng San Teodoro kamakailan.
Pinamunuan ng Regional Social Pension Unit (RSPU) katuwang ang lokal na pamahalaan ang pagkakaloob sa 1,408 na benepisyaryo mula sa nasabing bayan ang unang pangkat na mabibigyan ng pension para sa unang semestre ng taon.
Nakatanggap ang bawat senior citizen ng P6,000 at may kabuuang halaga na P8.4 million.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11916, ang pagtaas ng pension ng mga mahihirap na senior citizen sa P1,000 mula sa P500 ayuda ay may layuning matugunan ang kakulangan sa kapasidad ng mga nakatatanda na makabili ng pagkain at gamot dahil narin sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.
Samantala, nagpaalala ang DSWD sa mga kuwalipikadong pangunahing nakatatanda na hindi pa nakakapagparehistro at para mapakinabangan ang nasabing benepisyo na maaaring pumunta ang kinatawan sa Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) sa City or Municipal Social Welfare and Development Office na matatagpuan sa mga munisipyo o sa DSWD MIMAROPA field office at dalhin ang mga sumusunod na mga dokumento; birth certificate o anumang dokumento o patunay na nagpapakita ng araw ng kapanganakan; OSCA ID at intake sheet na may assessment ng local social worker, at fully-accomplished application form.
Ang mga nagsumite ng dokumento ay isasailalim pa sa assessment ng DSWD. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)